Libingan ni Rico, ililipat sa Fort Bonifacio

Hindi inalintana ng mga tagahanga, mga kaibigan, kamag-anakan at mga magulang ng yumaong aktor na si Rico Yan ang rumaragasang ulan at baha dahil dinaluhan ng marami ang padasal na naganap noong July 6, Sabado para sa ika-100 araw ng pagkamatay ng aktor.

Umaga pa lang ay puno na ng mga tagahanga mula sa Batangas, Pampanga, Tarlac at iba pang lugar ang Manila Memorial sa Parañaque. May ilang mga balikbayan na dumating at bawat grupo ay may kanya-kanyang dalang pagkain.

Tanghali na nang dumating ang mga magulang ng namayapang aktor-- sina Mr. Roby at Cita Yan. Naroon din ang dalawa nitong mga kapatid na sina Bobby at Geraldine, si Tina ay nasa Los Angeles kaya hindi nakadalo. Naroon din ang lolo ng aktor, si Ambassador Manuel Yan.

Masaya ang paligid dahil puro kantahan at sayawan ang ginawa ng mga youth volunteers for Rico Yan Youth Foundation. Nauwi ito sa iyakan nang awitin ng grupo ang "The Warrior Is A Child".

Sinimulan ang pa-misa ng bandang alas-tres ng hapon at natapos ang okasyon ng bandang alas-6:30 ng gabi. Ayon sa pamilyang Yan ay gusto nilang gawing buwanan ang padasal at itaon ito sa kamatayan ng aktor, tuwing ika-29 ng buwan. Isa pa sa plano ay ang paglipat ng libingan ng aktor sa may Heritage Cemetery sa may Fort Bonifacio at doon na nila gagawin ang isang taong anibersaryo ng pagkamatay ng aktor.(Ulat ni ALEX DATU)

Show comments