Posibleng by this time, nakabalik na si Ynez Veneracion mula sa 10 araw na pre-arranged show sa Japan. Umalis siya habang abala sa pagpo-promote ng kanyang second single na kasama sa una niyang self-titled album under Dyna Music.
Matatandaang kinilala ang husay ni Ynez sa acting nang gawin niya ang pelikulang, Ang Paraiso Ni Efren ni Direk Maryo J. delos Reyes. Na-nominate siya bilang best supporting actress ng Philippine Movie Press Club (PMPC), Star Awards for Movies at sa Film Academy of the Philippines (FAP).
Maging sa bagong tatag na grupo ng mga professor, mula sa ibat ibang kolehiyo at unibersidad sa kalakhang Maynila, ang Pasado, kinilala siyang best actress in a supporting role ng grupo.
Ang manager niyang si Manny Valera, ang nakipag-negotiate kay Mr. Howard G. Dy, Managing Director & CEO ng Dyna Music, para mabigyan siya ng pagkakataong maging recording artist.
Kasama sa kanyang unang album ang mga awiting "Bakit Ikaw Pa Rin" (carrier single); "Mahal", "Kailan Kaya", "Hinding-Hindi" "Nakaw Na Pag-ibig", "Luha", "Ako Ay Asahan Mo", "Hinding-Hindi" (Remix version); "Mahal" (Acoustic version).
Sa kabila ng madalas nilang pag-aaway noon ni Mon Confiado, ang kasintahan niya of more than three years, na-out grow na raw nila ang lahat. Mas maganda ang unawaan nila ngayon at pareho silang busy sa kani-kanilang mga trabaho. Ben Dela Cruz