Dapat maging father & mother of the year sina Romy Millari at Perla Adea.

Nakatutuwa talagang makitang muli ang mga artistang naging bahagi ng ating kabataan. Tulad nang makausap muli ang mag-asawang Perla Adea at Romy Millari.

Kung natatandaan pa ninyo, si Perla Adea ay kasabay nina Nora Aunor, Vilma Santos, Espie Fabon, when the world was little bit younger. Siyempre kasama si Perla sa sikat noong Operetang Putol-Putol produced by the late Johnny "Lundagin Mo Baby" de Leon. Si Mang Johnny ang dean of Pinoy deejays noon at ang kanyang pan-Linggong Opereta ang siyang pinaka-SOP/ASAP ng radio that era.

Marami ring pelikula ang nagtampok kay Perla, pero mas higit na nakilala sa pelikula ang kanyang dating ka-loveteam na singer/actor na si Romy Mallari.

Natural lang sa mga tagahanga noon na umasang ang mga magka-loveteam will end-up husband and wife, at isa nga rito ang nagkatotoo–ang tambalang Perla at Romy.

After more than 20 years na hindi namin nakita ang mag-asawa, nagulat kami ng nandoon sila, kasama pa ang mga anak, sa Universal Recording studio, sa Quezon Avenue.

Ganoon pa rin ang beauty ni Perla kahit anim na ang anak nila ni Romy na nag-mature naman ang itsura, pero nandoon pa rin ang bikas-artista. Sabi ko nga kay Romy, pwede siya sa mga teledrama.

Negosyo ang pinagkakaabalahan ni Romy at naging consultant pa siya sa Quezon City government. Si Perla naman ay real estate ang linya at masasabing successful realtor siya dahil sa pagsisikap nilang mag-asawa, apat na sa mga anak nila ang college graduates.

Ang panganay na si Ferdie ay mechanical engineer. Accountants naman sina Imelda at Siena. Si Claire ay tapos ng B.S. Masscom.

Ang bunsong lalaki na si Lorens (13 years old) ay second year high school student sa St. Theresa-Novaliches at ang bunsong si Cristy ay grade two naman sa Sacred Heart Academy.

Siyempre kitang-kita kina Perla at Romy ang sense of accomplishment dahil lahat ng mga anak nila ay lumabas na masunurin at masipag mag-aral.

"Para sa kanilang lahat naman ang mga pagsisikap namin ni Romy," sabi ni Perla. "Mabait talaga ang Diyos dahil tuloy-tuloy ang biyaya sa amin at talagang masasabing malaking kayamanan namin ang mga anak ko."

Aktibo pala sina Romy at Perla sa mga gawain ng Couples for Christ. Madalas ay nakukumbida silang kumanta sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Ang maganda pa ngayon, pati ang mga anak nila ay magaganda ang boses. Talagang isang singing family ang mga Mallari.

Sa narinig ko ay higit na gumanda pa ngayon ang boses nina Perla at Romy. Ang mga anak niyang dalaga, pwedeng maging professional performers. Kaya lang puro mga may ibang careers na sila, kaya’t libangan na lang nila ang pagkanta. Isa pa, sa Christian music sila nahihilig.

Kahit paano ay nakakalabas pa rin sa mga pelikula si Romy Mallari. Kasama nga siya sa bagong Rudy Fernandez movie na Diskarte. Full-length ang papel dito ni Romy at malaki ang pasasalamat niya sa kanyang kumpareng Daboy sa pagtitiwala sa kanya.

Ang mga Mallari ay kasama sa mga featured performers sa isang inspirational album produced by Jeanne Young for Universal Records. All-star cast ang forthcoming album na ito na under wraps pa ang mga detalye.
* * *
Congratulations to Karylle for winning the MTV Pilipinas 2002 Best Female Artist at Best New Artist awards para sa kanyang "Can’t Live Without You" music video.

Mabibigat din ang mga finalists sa mga nasabing awards, kaya’t masasabing talagang double victory ito para sa anak ni Zsazsa Padilla. Siyempre naman very proud ang mother dahil at the early stage of her singing career, naghahakot na ng awards si Karylle.

Show comments