Ang sarap panoorin ni Armida Siguion Reyna sa Kung Mawawala Ka bilang lola ng binatang bidang si Cogie Domingo, lalong uminit ang mga eksena ng komprontasyon sa nasabing serye sa pagpasok ni Tita Midz.
Nagbalik na sa kanyang dating isip si Jericho Rosales sa Pangako Sa Yo, nakakatawa ang mga kaganapang yun nang maniobrahin ni Amor Powers ang pagkawala ng memorya ni Angelo, na para bang isang laro lang yun na sa isang kisapmata ay maaaring maganap sa tunay na buhay.
Pumapalakpak naman kami sa mga eksena ni Eugene Domingo, si Simang ng Sa Dulo Ng Walang Hanggan, nang mabigyan siya ng sariling "moment" sa nasabing serye.
Ang galing-galing ng aktres ng teatro sa eksenang tinatawag niya ang pangalan ni Gaspar para mamitas ng gulay sa likod-bahay, huli na nang mapagtanto niyang kasama nga palang pinatay ng mga tauhan ni Sally ang kanyang mister, kaya humalili ang matinding lungkot sa kanyang mukha nang lapitan ng mga kamera.
Ang eksena ni Simang sa padasal ay hindi rin malilimutan, habang dasal nang dasal ang mga nasa paligid niya ay tahimik naman siyang luha lang nang luha, kailangang bigyan nang mas marami pang mabibigat na eksena si Eugene para lalong lumutang ang kanyang husay sa pagganap.
Akala namiy kami lang ang nadala ng mga eksena ni Eugene, pero hindi pala, dahil pagkatapos ng kanyang mga eksena ay sunud-sunod nang mensahe sa text ang aming tinanggap.
Maraming humanga sa simple, pero tumatagos sa puso ang pagganap ng aktres ng teatro, kaya komento tuloy ni Asereth na madalas tumutok sa mga soap ng Dos, "Sana naman, huwag ma-cost cutting si Simang!"
Totoo, alam na nga ng mga televiewers ang terminong cost-cutting, ang pagbaril sa karakter ng maraming artista ng ibat ibang soap bilang paraan ng pagtitipid.
Pagkatapos makalabas sa kulungan ay kukulo na naman ang dugo mo sa kawalanghiyaan ni Julia Clarete sa Sa Puso Ko, Iingatan Ka. Si Shiela ang kaagawan sa titulo ng kabuktutan ni Sally, hindi nagkakahuli ang kanilang kawalanghiyaan.
Sa La Mesa Dam ginawa ang eksena nang pagtatapon ni Shiela sa katawan ni Patricia na inakala nitong patay na, pwede ba namang mamatay sa istorya ang bida?
Sa eksenang yun, nahilo nang husto si Juday, dahil nang pukpukin siya ng martilyo sa ulo ni Julia ay napakatigas pala ng ginamit nitong props, singtigas ng pigurin, kaya nakakita ng estrelya sa hangin ang batang aktres sa eksenang yun, bukod pa sa nagkaroon ng bukol sa ulo si Juday.
Ang ganda niyang panoorin dahil talagang maganda si Tanya, pero paano ka ba namang gaganahan kapag narinig mo na siyang magsalita na para bang hindi muna siya pinakain bago isinalang sa harap ng mga kamera?
Pareho lang sila ni Dingdong Dantes na de-numero ang mga galaw at pagdadayalog, parehong walang kabuhay-buhay, mabuti na lang at humahalo sa eksena si Eric Quizon, kaya biglang umaaliwalas ang mga eksena ng dalawa.
Sayang si Tanya, sanay huwag ginagawang pasable ng kanilang direktor ang mga eksena niyang walang kabuhay-buhay, ang sakit kasi sa matang panoorin ng mga eksenang yun, ang ganda-ganda pa naman ni Tanya kahit saang anggulo mo himayin ang kanyang itsura.
Hindi man kagandahan si Sunshine Dizon, kapag gumana na ang mga mata ng batang aktres ay kabog na niya ang anumang pisikal na ganda, nakakayang dalhin ni Sunshine ang kanyang mga eksena kahit hindi pa siya bigyan ng dayalog.
Gumagaling sa pagbibitiw ng dayalog si Carlos Agassi, sa isang tuhog na eksena kung saan ang haba-haba ng mga dayalog ng rapper ay lumutang siya, konting facial expression at pwede na talagang pakawalan si Carlos nang mag-isa.
Ang istilo naman ng pagganap ni Alma Moreno na para siyang nanggigigil sa pagbibitiw ng mga salita ay nandun pa rin, ang mahusay talagang magsayaw ay hindi maaaring paartehin, dahil para mo na ring pinaglaba ang isang plantsadora.
Magandang palipasin ang oras sa panonood ng mga soap opera ng Dos at Siyete, pero kailangang nakahanda ang kalooban mo sa pagkainis, dahil paminsan-minsan ay makakasilip ka ng mga butas sa kanilang iskrip na nakatataas ng presyon.
Minsan tuloy ay maiisip mo, ano kaya ang akala ng mga scriptwriters na ito, bulag at bingi ang mga nanonood sa kanila?
Ang mas madalas lumihis sa katotohanan ay ang mga sumusulat ng istorya ng mga serye ng Dos, meron ding maibubutas sa mga scriptwriters ng Siyete, pero hindi lutang na lutang ang mga yun dahil maingat sila.