Piolo, Juday di na nag-uusap?

Narinig ko sa isang mapagkakatiwalaang source na hindi na raw nag-uusap ngayon ang dating loveteam na sina Piolo Pascual at Judy Ann Santos. Kapag nasa taping daw ang dalawa ng kanilang telenovela na pinamagatang Sa Puso Ko, Iingatan Ka ay very civil naman sila sa isa’t isa pero, kapag tapos na ang eksena nilang magkasama ay hiwalay na agad ito at punta na sa kanilang sari-sariling lugar. Ang ganitong malamig na pagtitinginan ay nagsimula lamang nang magkahiwalay na silang gumagawa ng movies.

Tst. Tsk. Tsk. Sayang naman kung dito lamang magwawakas ang isang magandang tambalan at friendship. Bakit? Mismo sa kanila na rin nanggaling na wala pa naman silang relasyon other than friendship at yung bilang magkatambal, eh ba’t sila apektado ng kanilang pakikipagtambal sa iba?

Sa suporta na ipinakita sa kanilang pagsasamang dalawa ng mga tao, sigurado namang susuportahan silang muli ng tao, ba’t kinakailangang sarhan nila ngayon ang pinto ng marami pang pagtatambal? Can’t two actors become a loveteam without involving their personal feelings? Kung ito ang magiging standard ng lahat ng loveteams, masisira na ang isa kapag pumareha na sa iba.

Maganda ang chemistry nina Judy Ann at Dingdong Dantes. In the same way na may kilig din naman ang tambalan nina Piolo at Joyce Jimenez. Bakit kailangang magkaroon ng gap sa pagitan nina Piolo at Juday only because iba ang mga kapareha nila ngayon? Bakiiiiiit?
*****
Hindi na mapasusubalian na si Piolo Pascual ang pinaka-popular na kabataang artistang lalaki ngayon. Nanood kasi ako ng premiere ng I think I’m In Love sa Robinson’s Place Manila nung Martes ng gabi at talaga namang hindi mahulugang karayom ang tao sa sinehan na pinagtatanghalan ng pelikula. To think na may mga kasabay na entries ito sa Manila Film Festival na ipinalalabas din sa ibang mga malls ay masisinag na ang magiging takbo ng pelikula sa kabuuan ng Pista ng Pelikula.

Hindi magkamayaw ang fans sa pagtawag ng pangalan ni Piolo kapag lumilitaw siya sa screen. Bawat galaw niya ay may reaction sila. Sunud-sunod ang malakas na pagsasabi ng "I love you", "papa", "magparamdam ka naman" at kung anu- ano pang mga nakatutuwang mga salita.

I was surprised na makitang may kilig ang pagsasama ng dalawa. Convincing ang mga emosyon at damdamin na ipinakikita nila sa kanilang mga eksena. Bagaman at more than GP ang naging dating sa akin ng kanilang mga kissing scenes pero, okay sa karamihan, wala namang tumutol. Mas nagri-react pa sila kapag lumalabas na naka-bikini lamang si Joyce at walang pang-itaas naman si Piolo.

Revelation naman si Nancy Castiglione bilang isa sa mga girlfriends ni Piolo. Pinalakpakan siya ng manonood sa eksena na kung saan ay halos sumpain niya si Piolo dahilan sa ginawa nitong panloloko sa kanya at sa mga iba pang babae. Halos lumubog siya sa kanyang kinauupuan habang nagpapalakpakan ang mga tao.

Maganda rin ang role ni Gloria Romero bilang isang groovy na lola. I heard hiningi na niya from productions yung mga ginamit niyang mga accessories sa movie.

Ang napansin ko lamang, okay yung mga bagong mukha na lumabas sa film, gaya ni Jam Melendez, yung nerd na suitor ni Joyce at yung lumabas ng isang kapatid ni Joyce.

Roselle Nava and Lorenzo Mara should make more movies. At sana magpapayat pa ng kaunti si Michelle Bayle. Maganda siya at magaling namang umarte. Marami pa siyang magagawang movie.
*****
Nung Linggo, nakakita ako ng isang tunay na anghel sa katauhan ng five-year old na si Kristel Pilar Mariz Tejada, isa sa 21 contender sa ginanap na Little Angels Search Yr. 4 ng RDH Entertainment Network para sa kapakanan ng Ellen Lising Streetchildren Foundation.

Matagal ko nang kilala si Kristel na matagal nang gustong mag-artista pero sabi ko sa kanyang inang si Bless Tejada ay maghintay-hintay muna sila hanggang sa mag-pitong taong gulang siya. Sa ganitong edad kasi, hindi na siya mahirap pasunurin sa script. Kaya nagulat ako nang makita ko siya na kabilang sa mga kalahok sa nasabing paligsahan na swerte namang isa ako sa napiling judges together with Ellen Lising, Valerie von Such, producer ng Manhattan Asia Films, ang mga artistang sina Joanna Gonzales at Monina Perez, ang fashion designer na si Rex D, Noinoi Aguila, founder ng Kids of the Nation Singing Group at marami pa.

First exposure yun ni Kristel sa isang malaganap na pakontes at kung hindi man nila ipinaalam sa akin at hiningian ako ng tulong ay dahil isa lamang yun sa maraming paraan para siya magkaroon ng experience. Pagkatapos nun ipapasok siya ng kanyang ina sa isang acting at singing workshop kasabay ng kanyang pag-aaral sa elementarya.

At siguro by this time next year, mas handa na siyang sumabak sa maraming paligsahan na magagamit niya para sa kanyang pag-aartista.

Napiling Most Talented Angel si Kristel samantalang ang top three angel winners ay sina Kristine Joy Morata (1st), Gabriel Kyle Ramon Cortezano (2nd) at Rache Mae Manantan (3rd).

Show comments