Shaina, Angelene, Bea at Pia: Sino sa kanila ang sisikat ng husto ?

Sa pagkawala ng G-Mik sa ere, ang programa na nagbigay ng ibayong kasikatan kina Jolina Magdangal, Diether Ocampo, Rico Yan, Mylene Dizon, Marvin Agustin, Bojo Molina at marami pang iba, inaasahan hindi lamang ng pamunuan ng ABS CBN kundi maging ng maraming tagasubaybay nito na marami ring bagets ay gagawa ng pangalan sa ipinalit na show sa G-Mik, ang K2BU na maglulunsad sa stardom sa mga kabataang sina Shaina Magdayao, Angelene Aguilar, Bea Alonzo at Pia Romero. Sa kanilang apat tatakbo ang istorya ng bagong comedy-drama na magtatampok sa tatlong magpi-pinsan (Shaina, Angelene, Bea) at ang kanilang kaiskwelang si Pia.

Pinaka-bata sa grupo si Shaina sa edad na 12 pero siya ang may pinaka-mahabang karanasan bilang artista. Sampung buwan pa lamang siya ay nag-aartista na siya. Napanood na siya sa maraming top rating shows ng ABS CBN at isang FAMAS awardee bilang Best Child Actress at Most Popular Child Star ng Guillermo Mendoza Foundation.

Multi talented naman si Angelene (umaarte, kumakanta at sumasayaw) na unang umagaw ng pansin sa pelikulang Cool Dudes. Halos lahat ng palabas ng Dos ay nalabasan na niya, pero regular siya sa mga programang ASAP at Recuerdo de Amor. Labing-apat na taong gulang siya.

Beauty queen material naman si Bea na tumatayong 5’7" at may Filipino-British blood. Pinaka-matanda siya sa grupo sa edad na 16 at bukod sa K2BU, regular din siya sa ASAP.

German-born naman si Pia, 12 years old lamang pero 5’5" na. Gusto niyang sumali sa beauty pageant pero sa ngayon pagpapagaling muna ng kanyang pag-arte ang pinagbubuhusan niya ng panahon. Naging endorser na siya ng AVON at Her Bench. Kasama siya nina Bea at Angelene sa ASAP.

Kasama ng apat sa K2BU ang isang malaki at magandang cast na binubuo nina Chat Silayan, Cherrie Pie Picache, Buboy Garovillo, Rez Cortez, Bunggoy Manahan at Glenda Garcia. Ang mga kapareha nila sa show ay sina Miko Palanca, Dennis Trillo, Adrian Albert at Alwyn Uytingco, Kasama rin sina Empress Schuck, Daniel King Reyes at Gina Ritter.
*****
Muling nahirang na pangulo ng Katipunan Ng Mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) si German "Kuya Germs" Moreno sa eleksyon na ginanap nung Linggo sa Ipanema sa Eastwood, Libis. Ika-apat na taon na ito sa panunungkulan ng itinuturing na Master Showman.

Ang iba pang nahalal ay sina:
Conrad Poe, VP for Internal Affairs; Jeorge Estregan, VP for External Affairs; Criz Daluz, Sec.; Caridad Sanchez, Treas.; Vic Felipe, Spokesperson; Efren Reyes, Mat Ranillo lll, Jeffrey Santos, Lucita Soriano, Pamela Amor, Lucy Quinto, Ernie Zarate at Ace Manalang, Board of Directors. Nahalal na Chairman of the Board si Herbert Bautista.

Legal Counsel ng KAPPT si
Atty. Adolpho Guerzon; PROs:, Virgie Balatico at Gladys Reyes; Auditor: Emmy Regino; Administrative Officers: Marivic Tiburcio at Bodjie Rivera.

Unang proyekto ng
KAPPT sa taong ito ang Star Olympics na gaganapin sa Hunyo 15 at 22 sa Ultra.

Show comments