Ang magagaling na aktres sa kanilang linya na sina Jean Garcia at Glydel Mercado ay bahagi na ngayon ng noontime show na ipinoprodyus ng MMG Entertainment Group, kaya hindi na nakakulong lang sa pagiging kontrabida sa Pangako Sa Yo at sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan ang dalawang ipinagmamalaking aktres ng telebisyon.
Kasama rin bilang hosts sina Lara Fabregas, Maribeth Bichara, Yam Ledesma, Joy Viado at sina Daniel Pacia at Codie Moreno.
Bilang dagdag-rekado naman para sa noontime show ay magkasama kami ng kaibigang Jobert Sucaldito sa isang segment na ang tututukan lang ay mga balitang artista.
Ito ang bahagi ng show na ayon sa executive producer na si Daddie Wowie Roxas ay magpapaiba sa lasa ng mga pangtanghaling programa ngayon.
Nang kausapin kami ni Daddie Wowie ilang linggo na ang nakaraan tungkol sa segment na inihanda nila para sa amin ng kasamang Jobert ay medyo nagdadalawang-isip pa kaming tanggapin ang programa.
Sa loob nang dalawang taon ng pagkawala namin sa harap ng mga kamera, minsan man ay hindi kami dinalaw ng lungkot, dahil ang araw-araw na pagsusulat naman sa ibat ibang pahayagan ay parang hosting na rin, kaya nga lang ay walang mga nakatutok na kamera.
Pero magandang magsalita si Daddie Wowie, magaling siyang salesman, lalo na nang tumbukin niya sa amin ang kasalukuyang kaganapan sa ating paligid.
Gamitan ka ba naman niya ng mga salitang napakaraming kababayan nating nagugutom ngayon na kahit anong uri ng trabaho, basta legal, ay papasukin dahil sa hirap ng buhay.
Kusensiyahin ka ba naman ng pamosong manager sa pamamagitan ng kanyang mga salitang napakaraming naghahanap ng trabaho ngayon, pero walang matagpuan, "Kaya ikaw pa ba namang nilalapitan na ng oportunidad ang tatanggi?"
At naisip namin, oo nga naman, ang dami-dami naming nakikita at nakakausap na artistang nagsasabi na kahit anong show ay handa nilang tanggapin, basta regular lang ang labanan.
Kaya bukas ay ibang itsura na ng Lunchbreak ang tututukan ng manonood, maraming inihandang portions ang bagong bihis na programa, para hindi naman ito magpahuli sa mga katapat na noontime shows.
Pursigido ang MMG Entertainment Group na lalo pang palakasin ang kanilang show, sabi nga ni Tita Evelyn Mateo, balewala ang gastos basta positibo ang nakikita nilang resulta.
Ilang araw nang hindi mapagkatulog si Daddi Wowie Roxas, ganun daw pala ang trabaho ng isang EP, lahat ng pangangailangan sa produksyon ay sa kanya ang bagsak.
Pero kung kilala nga namin ang pamosong manager na ito ay hindi magsisisi ang MMG sa pagtitiwala sa kanya, ibang klase ang disiplina sa trabaho ng manager na ito, napakaorganisado ng kanyang sistema.
Tuwang-tuwa sina Jean at Glydel nung mag-pictorial ang grupo, ang pagho-host nga naman nila ngayon ay magsisilbing pangsalit sa araw-araw nilang pag-arte sa harap ng mga kamera.
Lalo na si Jean, matagal na niyang hinahanap-hanap ang pagho-host, dahil ilang taon din siyang nakasama noon ng grupo ni German Moreno sa GMA-Supershow.
Ang Lunchbreak ay napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa IBC-13, alas-onse hanggang alas-dose y medya ng tanghali.