Ang titulo ng pelikula ay Pakisabi Na Lang (Na Mahal Ko Siya) na hinango sa titulo ng kantang pinasikat ng The Company at ni-revive naman ni Aiza Seguerra.
Napanood na namin ang kabuuan ng pelikulang ito na pinamahalaan ni Direk Boots Plata at kung kilig ang pag-uusapan ay hindi bibiguin nina Juday at Cogie ang manonood.
Kahit pa si KC Montero ang para kay Juday at si Alessandra de Rossi naman ang para kay Cogie sa kuwento ay nandun pa rin ang elemento ng kilig at sorpresa, dahil in-love si Cogie sa kanyang teacher na si Juday sa istorya nito.
Simple lang ang mga eksena nina Juday at Cogie, pero makikita sa pelikulang ito na hindi lang ganda at kaguwapuhan ang kanilang armas sa pag-aartista, kundi ang pag-arte na napakanatural.
Magaling umanggulo si Direk Butse, ang suwerte nito sa pamamahala sa mga artistang guwapung-guwapo sa iskrin, tulad nina Cogie at Piolo Pascual.
Dito sa Pakisabi Na Lang ay hindi kami masasabihang sinungaling ng kahit sino kapag sinabi naming hindi namimili ng anggulo si Cogie, dahil ang manonood mismo ang makapagpapatotoo na angat ang kaguwapuhan ng batang aktor.
Isang beteranong manunulat nga ang nagkomento na si Cogie raw, kahit isama mo pa sa nagkakagulong daan-daang kalalakihan, ay mapapansin mo pa rin dahil iba ang dating ng kanyang itsura.
Kapag ipinararating namin kay Cogs ang ganung komento ay pangiti-ngiti lang ang binata, dahil sa kanyang opinyon ay siya pa nga ang pinakawalang itsura sa kanilang magkakapatid.
Ang mga kapatid kasi ni Cogie na sina Michael at David ay guwapung-guwapo rin, ito ang kambal na ayon kay Cogie ay mas napapansin kaysa sa kanya, kapag naglalakad sila nang sabay-sabay sa mall.
Napaka-humble na guwapo!
Binibiro nga namin si Direk Butse na bakit ganun, kapag si Juday na ang kanyang artista ay parang ibinubuhos nito ang lahat-lahat ng kanyang nalalaman sa pag-aanggulo?
Diretso ang sagot ng direktor, sa dami na nga ba naman kasi ng pelikulang pinagsamahan nila ng batang superstar ay hindi pa nito makakabisa ang magagandang anggulo ng dalaga?
At kahit sa pag-arte ay halatang komportable si Judy Ann kay Direk Butse, magaling kasi sa motibasyon ang direktor na ito, ilang beses na namin itong nasasaksihan sa pagbibigay ng motibasyon sa kanyang mga artista at napakaepektibo ng kanyang mga paraan.
Kung mapapansin, kapag si Direk Butse ang may hawak sa pelikula ng batang aktres ay kitang-kitang bigay ang pag-arte ni Juday, isang katangiang hindi natin makikita kapag ibang direktor na ang namamahala sa batang superstar.
Iba talaga kapag kilala mo na ang kapasidad at personal na buhay ng artista, wala nang pader sa inyong pagitan, kaya nagiging natural ang resulta.
Kapansin-pansin ang malaking ipinayat ni Juday sa pelikulang ito, pati ang kanyang mukha ay maliit at impis, kaya lalong tumingkad ang kanyang ganda.