Octo Arts, balik sa paggawa ng pelikula

Tulad ng kanyang sinabi sa amin nung isang taon, tinupad ng Octo-Arts big boss na si G. Orly Ilacad ang kanyang pangako na muli niyang ire-revive ang pagpu-produce sa taong ito. Sisimulan niya ito sa pagiging line producer ng pelikulang Perfect Guys na pangungunahan nina Ogie Alcasid at Michael V. na ididirek ni Tony Reyes for Maverick Films.

Pagkatapos nito ay isusunod ng Octo-Arts Films ang co-production nila ng M-Zet Films ni Vic Sotto na si Vic din mismo ang pangunahing bituin. Ito’y nakalaan sa darating na Metro Manila Film Festival.

"Kung magiging maganda ang takbo ng industriya sa isang taon, malamang na tuloy-tuloy na naman ang pagpu-produce namin ng pelikula," ani G. Ilacad na mahigit dalawang taon ding tumigil sa pagpu-produce ng pelikula.

Bukod sa movies, balak din ni G. Ilacad na buhayin din ang kanyang record outfit, ang Octo-Arts International, Inc. na isa sa mga major record outfits noon bago pa man niya pinasok ang tie-up with EMI Music.

Bago pinasok ni G. Ilacad ang pelikula at resto-bar business, ang musika ang kanyang unang pag-ibig. Unknown to many, si G. Ilacad ang leader at founder ng Orly Ilacad and the Ramrods nung late 60’s hanggang maisipan nila ng kanyang first cousin na si G. Vic del Rosario, Jr. (ng Viva Group of Companies) na itatag ang Vicor Music Corporation with P6,000 as working capital. During the 70’s, ang Vicor ang naging leading record company.

December of 1977, kumalas si G. Ilacad sa Vicor at itinatag niya ang Octo-Arts International, Inc. at si G. Del Rosario naman ang Viva Films. Parehong naging successful ang magkahiwalay na business venture ng magpinsan. Although pansamantalang huminto si G. Ilacad sa pagpo-produce ng pelikula at records upang sumubok sa ibang negosyo.

Ang pagbabalik ni G. Ilacad sa movie and record production ay isang magandang indikasyon na unti-unti na namang bumabalik ang kanyang tiwala sa industriya.
* * *
Nanghihinayang kami sa pagkakaibigan nina Rosanna Roces at Aiai delas Alas na nauwi rin sa kanilang pag-aaway at paghihiwalay. To a point, umaabot na ito sa personalan.

Kung merong isang tao na puwedeng pagbatiin ang dalawa ay walang iba ‘yon kundi si Boy Abunda na parehong malapit na kaibigan ng dalawa. Si Boy ang manager ngayon ni Aiai at si Osang naman ay naging close friend ni Boy nung sila’y magkasama pa sa Startalk. Although nasa magkahiwalay nang istasyon sina Boy at Osang, napanatili nila ang kanilang pagiging malapit na magkaibigan.
* * *
Kung tagumpay ang Maxi Media sa pagpu-produce ng concerts featuring major concert stars, papasukin na rin nito ang pagpu-produce ng records sa pamamagitan ng kanilang bagong itatatag na Maxi Records at first production nila ang special album ni Regine Velasquez in collaboration with the internationally-renowned pianist-composer Michel Legrand.

Nakatakdang bumalik sa bansa si Legrand para umpisahan nila ni Regine ang recording ng 15 songs na mapapaloob sa album na nakatakdang i-release internationally. Since contract artist ng Viva Records si Regine, ang Viva ang magre-release ng album nationwide na gagastusan umano ng P15M.

Malalaking artists tulad nina Barbra Streisand at Dionne Warwick ang mga nakatrabaho na ni Legrand.

Bukod sa team-up nina Regine at Legrand sa recording, magkakasama rin ang dalawa sa mga concerts abroad to be produced by Maxi Media International.

Show comments