Alam ng World Arts Cinema na hindi mangunguna ang kanilang pelikula sa box-office dahil matitinding pelikula ang magiging kalaban nito pero, umaasa sila na maging isa sa "magic three" ang pelikula dahil talagang binusisi ang pagbuo nito at talagang ginastusan ng kumpanya kaya naman nakasama ito sa pitong opisyal na pelikulang kalahok sa pestibal.
Kunswelo na lamang sa mga prodyuser ng pelikula ay mayroon silang tatlong alas para mapansin ang pelikula pagdating sa acting ng mga bida. Isa na rito si Joel Torre na kapapanalo lang ng Urian Best Actor para sa Batang Westside. Malaki ang posibilidad na manalo uli siya. Kasama rin dito si Ronnie Lazaro na nanalong Best Supporting Actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2001 para sa Bagong Buwan at si Jeffrey Quizon na ilang beses nang nanalong Best Supporting Actor para sa pelikulang Markova.
Matitindi ang mga bida ng Utang Ni Tatang na sinuportahan nina Maricar de Mesa, Precious Valencia at Jaime Fabregas na ayon sa nakapanood sa rushes nito ay nagpakita rin ng galing ang mga ito.
Ayon kay Jojo Galang, producer ng WAC, hindi man sila kasing laki ng Star Cinema, Regal Films at Viva Films pero kaya nilang makipagsabayan sa paggawa ng quality films. Although low budgeted ang pelikula nila at mga pelikulang nagawa na kumpara sa mga movie outfit na nabanggit ay kumita rin ang kanilang mga pelikula lalo na sa mga probinsiya. Alex Datu