Aya Medel, muntik mamatay sa ecstasy!

Sa presscon ng pelikulang Pagsaluhan ng El Niño Films ay nakakwentuhan namin si Aya Medel. Lalo siyang gumaganda ngayon at sosyal ang dating kung saan bumagay ang maigsing buhok na pinagupitan sa Japan nang mag-show siya doon kamakailan. Ayon sa seksing aktres, tumaba siya pero ngayon ay nagbabawas pa ng timbang dahil kailangan niyang magpa-sexy. Nakalinya na ang movie nito under Millennium Films na wala pang pamagat.

Sa Pagsaluhan ay dalawa ang kanyang leading men na nag-aagawan sa kanyang alindog at pag-ibig.

Inamin ng aktres na maganda ang kita niya sa pagso-show sa Japan pero walang monkey business. Nakakapag-ipon na siya ng pera at nagpapagawa siya ng dormitoryo dahil malapit lang ito sa iskwelahan sa Bicol. Ang ibaba naman ng ipina-renovate niyang bahay para sa pamilya ay gagawing hardware store.

"Kailangang mag-ipon, Tita at kumayod nang husto dahil lumilipas din ang kasikatan ng mga artista. Nasa negosyo ngayon ang aking pera at babalik din ako sa Japan para muling magtanghal doon. Ang kinikita ko sa pelikula ay mas maliit kung ikukumpara sa ilang araw na pagtatanghal doon," aniya.

Sumubok ka na rin ba ng ecstasy? "1/4 lang ang natikman ko nang minsang nag-gimik kami ng barkada ko. Pero hindi na ako uulit. Ang bagsik ng ecstasy na galing pa sa Europe. Talagang akala ko ay mamamatay na ako dahil bumibilis ang palpitation ko, naging tulala ako at hindi makahinga. Yun ang una at huli kong karanasan ng paggamit ng ecstasy. Wala talaga itong mabuting maidudulot sa katawan ng tao lalo na sa mga kabataan," paliwanag ng aktres.

Magdadalawang taon na sila ng kanyang non-showbiz boyfriend. "Pero malabo pa kaming magpakasal kahit mayaman sila at kaya niya akong buhayin. Naiintindihan niya na prioridad ko pa rin ang aking career," aniya.
Halina, Napiga Sa Akting
Tinanong ko kay Halina Perez kung totoo ba ang tsismis na bopol siya sa acting at inireklamo ng ilang beteranong artista nang magkaroon sila ng reading of the lines. "Ang sakit naman po niyan. Noon ay inaamin ko na hindi talaga ako maaasahan sa pag-arte pero habang tumatagal ay nagi-improve na po ako. Di ba sabi nga ni Direk Arman Reyes ay napaarte niya ako lalo na sa eksenang magbibigti ako at magpapakamatay?" aniya.

May dalawa pang pelikula sa Leo Films si Halina bago matapos ang kanyang kontrata. Isa rito ang Tukaan at may isa pang sexy drama movie. Kinukuha rin siya ng Seiko Films.

Tampok si Halina sa pelikulang Ligaya…Pantasya ng Bayan.
Di Type Makasama Sa Movie Ni Assunta
Ayon kay Assunta de Rossi, wala naman silang away ni Rica Peralejo. Hindi nga sila close pero nag-uusap naman silang dalawa. Nang may magtanong kay Assunta kung payag ba siyang makasama sa pelikula si Rica ay ito ang naging reaksyon niya. "Siyempre magkakaroon ng problema gaya ng kung sino ang dapat mauna sa billing, kung sino ang mas mataas ang talent fee na tatanggapin o kung sino ang mas aangat sa maraming eksena. Mahirap dahil maraming taong mai-involve sa gulo. Hindi sa ayaw ko siyang makasama, gusto ko kaya lang huwag muna ngayon para hindi lumikha ng gulo," anang aktres.

Show comments