"Baka mahal?" tanong ng problemadong aktres.
"Wala ka namang babayaran kapag walang nabawas sa weight mo, eh!" sabi naman ng seksing aktres.
Meron na palang ganun ngayon, garantisado ang resulta, magbabayad ka lang sa doktor kapag nabawasan ang timbang mo.
Kung sa pagbalik moy ganun pa rin ang katawan mo ay wala kang babayaran, magandang ideya, dahil ibig sabihin lang ay mahusay talaga ang inirerekomendang doktor.
Si Shyr Valdez, dating artista at anak-anakan namin, ang nagpakilala sa amin kay Dr. Joel Mendez sa isang party.
Simple lang siyang pangiti-ngiti sa isang tabi, pero ramdam mo ang kanyang lalim kahit sa malayuan.
Siya pala ang doktor na palaging dinadalaw ngayon ng mga artistang nagkakaproblema sa kanilang mga timbang, siya pala ang dahilan kung bakit ang katawan nina Ara Mina, Janice de Belen, Judy Ann Santos, Claudine Barretto at marami pang iba ay naging kapansin-pansin ang ganda.
Maraming doktor na may kapasidad din sa pagbabawas ng timbang ng kanilang mga kliyente, pero ibang-iba ang kaalaman ni Dr. Joel Mendez, dahil ang kanyang linya talaga ay Bariatric Medicine.
Ang espesyalidad niya ay ang pagbabantay-pangangalaga sa bigat at gaan ng timbang ng kanyang mga kliyente, kung payat ay napatataba niya, at kung malusog naman ay kayang-kaya niyang papayatin.
Bagay na bagay sa mga abalang tao ang proseso ng pag-aalaga ni Dr. Mendez, dahil kahit walang ehersisyo ay garantisado ang pagliit ng katawan.
"Kung walang panahon, puwedeng walang exercise, pero kung may enough time naman, mas maganda," pahayag ni Dr. Mendez.
Marami nang artistang kliyente ni Dr. Mendez ang nakausap namin na nagkukuwentong napakagaan ng ginagawa nilang pagre-reduce.
Walang bawal kainin, walang side effects, walang operasyon at sa loob lang nang isang linggo ay makikita mo na agad ang positibong resulta ng ibinibigay niyang gamot.
Limang libo ang kailangang bayaran ng pasyente sa kanilang unang pagkikita, registration fee lang ang kanyang sinisingil, at pagkatapos non ay sa bawat pound na mababawas na sa kliyente ang kanyang sinisingil.
Dalawang libo sa bawat pound na mababawas ang kanyang charge, kaya kung limang pounds sa isang linggo ang kaya mong ilaglag, ay sampung libo ang kailangang mong bayaran kay Dr. Mendez.
Balewala ang halagang yun sa mga desididong gumanda ang katawan, may mga artista ngang nagsasabi sa amin na kahit magkano ay kaya nilang bitiwan, basta makita lang nila na meron na silang bewang at wala na ang kanilang bilbil.
Dahil sa mga artistang nabibigyan ni Dr. Mendez ng magandang kurbada ng katawan ay kumalat na nang kumalat ang kanyang galing, kaya ngayon ay hindi na halos siya makapahinga sa kanyang clinic at spa sa Roces Avenue.
Nakatutuwang malaman na bukod sa pagiging doktor ay pintor pa si Dr. Joel, isa rin siyang artist, kaya malapit ang kanyang puso sa sining ng pelikula.
"Famous Faces" ang titulo ng kanyang exhibit, dahil ang iginuhit niya ay ang mismong mukha ng mga artistang naging kaibigan na niya sa tagal ng panahon ng kanilang pagsasama bilang doktor at kliyente.
Ilan lang sa mga personalidad na ipininta ni Dr. Mendez sina Judy Ann Santos, Claudine Barretto, Jessa Zaragoza, Kris Aquino, Ariel Rivera, Janice de Belen, Paula Peralejo, Andrea del Rosario, Arnel Ignacio at marami pang iba.
Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang nagkaroon ng solo exhibit, pero alam niyang espesyal ang magaganap sa Linggo, dahil ang paksa niya sa kanyang mga obra maestra ay mga personalidad na malapit sa kanyang puso.