Nag-bold si Miss Saigon

Marami ang siguradong magugulat kapag nalaman nila na pumayag nang mag-bold ang dating Miss Saigon na si Janine Desiderio sa isang pelikula ng FLT na may pamagat na Mamasan (May Bukas Pa), isang entry sa Manila Film Festival na magbubukas sa Hunyo 12, 2002.

Isa rin siyang mamasan sa pelikula na naisip kalabanin ang dati niyang mamasan na si Elizabeth Oropesa.

Isa siyang college grad prosti na ibinigay ni Mama Sandra (Oropesa) sa isang congressman (Mark Gil) at naging mistress nito for a while.

Nang umalis siya sa kuwadra ni Mama Sandra para magtayo ng sarili niyang "negosyo" ay pinalitan siya ni Daisy (Raven Villanueva) na ang pera ay inuubos sa kanyang boyfriend (Niño Alejandro). Nagkaroon ng problema sina Daisy at Mama Sandra. Lumipat ito kay Joy (Desiderio). Pinagbantaan siyang patayin ni Mama Sandra.

Sa kabila ng pagiging isang bold ng pelikula, isa itong feel good movie. Isang eye opener sa mga sanay nang makapanood ng bold na halos walang istorya.

Direksyon ni Joey Romero mula sa script ni Dennis Evangelista. Cinematography ni Romy Vitug.

Nang tanungin siya kung bakit siya nagbold, sinabi ni Janine na gusto lamang niyang palawakin ang parameter ng kanyang kaalaman. Gusto niyang maabot ang marami pang tao hindi lamang sa pamamagitan ng pagkanta kundi maging sa pag-arte, sa paglabas sa iba’t ibang klase ng pelikula.

Idinagdag pa niya na sexy rin ang palabas na Miss Saigon pero dito ay nakatangga lamang siya. Sa Mamasan ay mayroon siyang breast exposure at mga maiinit na lovescene kay Mark Gil na ang background ay ang Manila Bay sunset.

"Super nerbyos ako. No amount of preparation removed my nervousness," pag-amin ni Janine.

"Hindi ako masyadong nakapag-handa dahil biglaan yung pagkakapalit ko kay Geneva Cruz. Nasa Simbahan ako nang matanggap ko ang offer at shooting na agad kinabukasan. Wala pa akong script dahil na kay Geneva pa. Talagang napwersa akong tanggapin ang pelikula. Nagtiwala na lamang ako kay Direk Joey. Alam kong hindi niya ako pababayaan.

"Okay lang kahit second choice ako kay Geneva. Ang mahalaga, walang naging bad blood sa aming dalawa. Pinagbuti ko naman ang performance ko. Sa sobrang nerbyos ko, hindi ako nakaramdam ng emosyon, na-taker two ako.

"Dati na akong nabibigyan ng offer para mag-bold. Di ko lang inentertain. Feel ko hindi pa ako handa nun. Ngayon, palagay ko handa na ako," pagtatapos niya.
* * *
Pinakikinabangan na rin ni Piolo Pascual ang kanyang pagkanta. The day that we talked to him, naghahanda na siya para mag-recording ng theme song para sa pelikula nila ni Joyce Jimenez na I Think I’m In Love. Matatandaan na si Kuh Ledesma ang original na singer nito.

Payat siya ngayon, 14 lbs. ang sinadya niyang iwala bilang paghahanda sa pelikulang Dekada na aniya ay kaunti na lamang at matatapos na.

Mahaba rin ang kanyang buhok na kailangan para sa nasabi ring movie. "Pero, hindi ko ito paiikliin kahit tapos na ang movie. Gusto ko ng mahabang buhok kahit hindi para sa pelikula," sabi niya.

Bagaman at marami ang naaakit sa kanyang kapareha na ubod ng seksi, sinabi niya na wala sa kanya yung sexy projection ni Joyce, ang mas napansin niya ay ang kakalugan at kakulitan nito. "She’s bubbly and kulit. Magkaibigan na rin sila ng mom ko. I’m sure magkikita kami sa US in the future dahil magkapitbahay lamang kami. Pareho naman kami ng balak na manirahan sa US kapag hindi na kami artista," dagdag pa ng binata.

Show comments