'Attagirl', 'Kasangga' mawawala na sa ere

Nung Miyerkules (May 15) ng hapon ay sinorpresa kami ni Jessa Zaragoza sa aming tanggapan sa Ortigas Center. It’s been quite a while na wala kaming communication ng sikat na mang-aawit dahil nagkaroon kami ng samaan ng loob. Pero kung anuman ang tampo na namagitan sa amin ay tuluyan na naming ibinaon sa limot nang personal niya akong bisitahin sa aking opisina.

Ang sarap ng pakiramdam kung ang nakasamaan mo ng loob ay nagkusang makipag-ayos sa ‘yo lalupa’t tanggap naman niya ang kanyang mga pagkakamali at pagkukulang sa ‘yo.

Lingid sa kaalaman ng marami, tampuhang ‘mag-ina’ ang namagitan sa amin ni Jessa na pinalala na lamang ng mga intriga sa aming pagitan. Ayokong magdetalye pa kung paano ito nagsimula dahil ang mahalaga sa ngayon ay ayos na kami ni Jessa.

And speaking of Jessa, sa kanya namin nakumpirma na last airing na ng Attagirl last Tuesday (May 14) na umabot lamang ng walong buwan sa ere. Nawala man ang Attagirl, nagpapasalamat ang singer-actress sa pamunuan ng ABS-CBN, sa director-writer na si Joey Javier Reyes at sa bumubuo ng cast at production staff dahil naging ‘pamilya’ niya ang mga ito sa loob ng walong buwan.

"I had fun doing the show," pahayag niya.

Ngayong wala na siyang regular program na pinagkakaabalahan, balik ang attention ni Jessa sa kanyang singing career. Sa darating na Mayo 22 ay nakatakda siyang umalis patungong Reno, Nevada for a special concert along with Rosanna Roces and Geneva Cruz na gaganapin sa Mayo 25 and in September, magkakaroon siya ng US tour kasama ang kanyang mister na si Dingdong Avanzado which will cover Washington, Chicago, New York at L.A.

Pinagkakaabalahan din niya ngayon ang kanyang second album under Star Records na nakatakdang i-release sa buwan ng Agosto. Follow-up ito bale sa kanyang platinum album na "Ibigay Mo Na".

Last March 18 ay nag-celebrate sila ni Dingdong ng kanilang first wedding anniversary. Wala pa ba silang balak na magka-baby?

"Hindi pa muna ngayon dahil may mga commitments pa akong dapat tuparin at gusto naming paghandaan ang pagdating ng aming baby," paliwanag pa ni Jessa.

This early, nag-iisip na rin ang mag-asawang Jessa at Dingdong ng negosyong kanilang papasukin. Balak din umano ni Dingdong na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa La Salle sa darating na pasukan dahil balak nitong muling kumandidato sa 2004 elections sa pagka-congressman sa Siquijor.

Hindi kinakaila ni Jessa na nakatagpo siya ng bestfriend sa kanyang mister.

"Napakamaunawain at napaka-supportive niya sa akin lalo na kung may mga dumarating sa aking problema na may kinalaman sa aking pamilya. Siya (Dingdong) ang aking strength kapag ako’y nadi-depress," pag-amin pa niya.
* * *
Last airing na bale ng Kasangga nung Mayo 16 at sa darating na Mayo 23 sa ganap na alas-9 ng gabi ay magsisimula naman ang kauna-unahang sitcom ng action star na si Rudy Fernandez at ang sex-goddess na si Rosanna Roces ang Daboy en da Girl na pinamamahalaan ni Ipe Pelino.

Aminado si Daboy na nag-enjoy siya nang husto sa pagiging host ng Kasangga na tumagal sa ere ng dalawang taon at kalahati.

Samantala, excited naman siya sa kanilang bagong sitcom ni Osang (Rosanna) dahil bukod kay Osang, kasama nila sa programa sina Sunshine Dizon, Manay Lolit Solis, Jeffrey Quizon, Isko Salvador, Rico J. Puno, Robert Ortega, Rochelle ng Sex Bomb Dancer, Cacai Brosas at si Uri Vanden Bos.

Sa presscon ng Daboy en da Girl, tinanong namin si Daboy kung hindi ba maaapektuhan ang kanyang mga pelikula ngayong lingguhan na siyang napapanood sa telebisyon.

"Iba naman ang ginagawa ko sa TV at sa pelikula kaya walang rason na hindi tangkilikin ng mga manonood ang pelikula namin," paliwanag ng mister ni Lorna Tolentino.

Show comments