Puwedeng concert stage si Aiza

Akala ko magiging boring ang It’s Magic concert na natuloy rin finally nung Biyernes ng gabi sa Crossroad ’77, isang bagong concert venue na first time kong napasok. With the star of the show, Aiza Seguerra regaling the audience with her singing and guitar playing habang nakaupo sa isang stool, I thought that was it. Maling- mali pala ako.

Oo nga at mayroong mga number si Aiza na kumakanta siya at nag-gigitara, pero marami ring number na nagpakita siya ng kagalingan sa pagsasayaw. Gaya nung Beatles Medley, Rock n Roll Medley. Maganda rin yung "Butshiki" number na kung saan ay nag-komedi naman siya. Maging si Gary V. ay matutuwa na malaman na katulad niya ay kaya rin pala ng petite singer na pasayawin ang kanyang audience. Di ko lang alam kung talagang napapagod siya o isang gimik yung pag-iiba niya ng tempo ng kanyang mga songs kapag napapagod at humihingal na siya. Naka-apat na mineral water siya sa kabuuan ng show.

Totoo yung comment ni Boy Abunda na magandang bumanat ng mga malulungkot na kanta si Aiza, dahil malungkot ang boses niya. No matter how she may deny it, Aiza is obviously suffering from unrequitted love at ito ay nababakas sa boses niya. Feel ito ng audience sa pag-awit niya ng "Akala Mo", "Pagdating Ng Panahon", "Muntik Na Kitang Minahal" at marami pa. Wala siyang vocal back-up na pwedeng magtakip sa mga errors niya sa pagkanta o pagbigkas ng lyrics but her musicians, Ric Mercado, also her musical director and bassist Rey Taylo were able to supply the necessary back-up na kinakailangan ni Aiza.

Bagaman at kabataan pa si Aiza, nagawa niyang bigyan ng justice ang mga lumang awitin na sumikat nung panahon ko at siguro ay panahon din ng mga magulang niya, na katabi ko at very proud and happy na sinwerteng muli ang kanilang only child. Salamat sa awiting "Pagdating Ng Panahon" na binigyan ng malaking kredito ni Aiza sa matagumpay niyang pagbabalik. Pinasalamatan din niya ang mga taong nasa likod ng nasabing awitin gaya nina Edith at Margot Gallardo, ang mga tao sa Vicor Music Corporation at ang mga taong tumangkilik sa kanya.

Bisita ni Aiza si Kyla at ewan ko lamang kung totoo ang sinabi niya na paborito niya ito. Sana naman para hindi na siya naghahanap pa ng isang inspirasyon na wala rito. Para rin sumaya hindi lamang ang mga awitin niya kundi maging ang tinig niya.

Speaking of Kyla, unti-unti ay nagiging paborito ito ng maraming mahiligin sa musika. Siguro dahilan na rin sa mahusay siyang performer. She reminds me of a young Mildred Ortega, now Templo. Nag-duet sila ni Aiza ng "Power of Two".

Nakatutuwa na makita na marami sa mga tagahanga ni Aiza ay hindi na kabataan, tulad ko. Pero, tagahanga rin niya ang kanilang mga anak at marami pang ibang kabataan na mahilig sa magagandang musika at nakakukuha ng inspirasyon sa kanyang buhay. Gaya ng anak ko. Isang magandang ehemplo si Aiza na sinubok ng buhay, nagtagumpay, nabigo pero nagawang itaas muli ang sarili.

Hindi kataka-taka kung bakit marami siyang tagahanga, hindi lamang siya isang versatile artist who is not only a good singer and an excellent guitarist, isa rin siyang mahusay na aktres at isang magaling na shooter at pinaka-mahalaga, isang mabuting tao at mabait na anak. Ano pa kaya ang susunod na talino na ipamamalas niya?
* * *
Napakasaya naman ng naging birthday celebration ng aming kolumnistang si Aster Amoyo. Star studded na naman ang birthday party niya na ginanap sa Virgin Cafe. Gabi na kami dumating dahil inuna namin yung concert ni Aiza pero, nagsisimula pa lamang ang kasiyahan sa Virgin Cafe nang kami ay dumating. Namataan ko sina Tirso at Lyn Cruz, Pops Fernandez, Jo Canonizado at marami pang iba.

Sa stage, tumutugtog ang Toy Symphony at kumakanta naman si Kyla. Marami ang nagsasayaw sa dancefloor at isa na sa kanila ang talent manager na si Angge.

Taun-taon, may party si Aster para lamang i-announce ang pagdaragdag niya ng taon. Hindi kaya siya natatakot na mabilang ng kanyang bisita ang kanyang edad? (Biro lang).

Show comments