Pero may nagbabanta sa pamamayagpag ni Assunta, ito ay walang iba kundi ang Halina ng Bayan na si Halina Perez. Tahimik lamang ang kampo ni Ms. Perez pero oras na may ipinapalabas siyang pelikula ay palagi itong gumagawa ng ingay sa takilya. For the record, wala pang pelikulang sumemplang ang kahali-halinang sexy star.
Ngayon nakatakdang magsalpukan sa takilya ang pelikula ni Halina na Ligaya... Pantasya ng Bayan at pelikula ni Assunta sa May 29. Hindi takot ang producer ni Halina sa pelikula ni Assunta kahit kasama pa niya si Bong Revilla. Subok na raw kasi niya ang kakayahan ni Halina at naniniwala siyang malaki ang laban ng pelikula na tampok din sina Alma Soriano, Leandro Baldemor, John Apacible at Harold Pineda.
Sabagay, marami ang obserbasyon na puwedeng-puwedeng itapat si Halina kay Assunta at maging kay Rica Peralejo rin. Kung ganda, kaseksihan at sex appeal ang pag-uusapan, panalo rin si Halina. Kaya nga siya, tinaguriang "Halina ng Bayan!" May mga nagsasabi rin na mas maganda si Halina kaysa kay Assunta at sariwa raw ang dating.
Ang pelikula nga palang Ligaya... Pantasya ng Bayan ay ginawa ni Arman Reyes para sa Leo Films. Mula naman ito sa panulat ni Dennis Evangelista.