Naniniwala ang dalaga na pana-panahon lang ang lahat ng bagay, matagal na panahon na rin naman siyang nagsisikap para umangat ang kanyang career, pero kahit anong pagsisipag ang gawin niya ay parang mailap pa rin sa kanya ang kapalaran.
Pero ngayon nga ay heto, halos wala nang itinutulog ang aktres dahil sa kaliwat kanan niyang trabaho, paborito siyang kuning leading lady ngayon ng malalaking artista at pinagtitiwalaan pang kuning bida ng maraming produksyon.
Kuwento sa amin ni Bong Revilla, ang katambal ni Assunta sa Kilabot at Kembot, hindi raw sila binigyan ng problema ng dalaga pagdating sa disiplina sa trabaho.
"Lagi siyang on time sa set, hindi siya maarte, maayos katrabaho si Assunta," papuri pa ng action star sa dalaga.
Ang pagkakapakete kay Assunta ay pangkalalakihan, kilala naman si Bong sa pagiging lapitin ng mga babae, kaya hindi maiiwasang mahaluan ng sekswal na pagdududa ang pagsasama nina Bong at Assunta.
Pero wala, sabi ni Bong, talagang hanggang sa trabaho lang ang lahat, walang dapat ipag-alala ang kanyang misis na si Lani Mercado sa matagal na panahong ipinagsama nila sa shooting ni Assunta.
"Masarap lang siyang kalambingan sa mga eksena namin, pero kapag wala nang mga kamera, behave na tayo," naniningkit pa ang mga matang kuwento ni Bong.
Kapag ang pagpapakita na niya ng puwet sa pelikula nila ang napag-uusapan ay halatang nag-aalangan ang action star.
Tawa siya nang tawa, kakaiba nga naman kasing balita yun, pero may depensa naman agad ang guwapong action star.
"Kayo mismo, pag napanood nyo na ang movie, sasabihin nyo na dapat lang naman palang ginawa ko ang magpakita ng butt," sabi niya.
Ilang kakilala at kaibigang bading na nga ba ang nagsasabi sa amin na sa unang araw pa lang ng pagpapalabas ng Kilabot at Kembot ay makikipila na sila?
Isa kasi si Bong sa mga action stars na pinagnanasahan ng mga bading sa kanilang panaginip, iba ang dating ni Bong sa kanila, parang ang bangu-bango raw at parang ang sarap-sarap yakapin.
Ngayong nagpakita na ng butt sa pelikula nila ni Assunta, handa na kayang magpakita ng iba pang maseselang bahagi ng kanyang katawan si Bong sa mga susunod na pagkakataon?
"Sa akin kasi, I dont mind kung talagang kailangan, di ba? You have to be realistic, kailangang sundin mo ang mga sinasabi ng script.
"Pero hindi naman yung sobra-sobra na talaga, baka naman mabansagan na akong bold action star nun," tawa nang tawa pa ring sabi ni Bong Revilla.
Si Andeng ang madalas naming makita ngayon, ang magandang utol ni Bong na matagal nang napapabalitang karelasyon ni Diether Ocampo.
Kapag nagkakatabi sina Bong at Andeng, kahit walang magsabi sa iyo na magkapatid sila ay mas mauuna na ang iyong paghusga.
Para kasing idinapa ang itsura ni Andeng kay Bong, para silang pinagbiyak na bunga, lalo na kapag tumatawa sila na halos parang hiwa na lang ng alkansya ang kanilang mga mata.