Ruffa, sinundo ng nobyo para mag-celebrate ng kanilang 2nd anniversary sa Cannes

Masayang-masaya si Rufa Mae Quinto dahil sa wakas ay nabigyan siya ng pagkakataon sa isang super-hero character sa Super B Strikes Again na siyang ilalahok ng Viva Films sa newly-revived na Manila Film Festival.

Bukod sa Super B, abala rin si Rufa Mae sa Idol Ko Si Kap na pinangungunahan ni Bong Revilla.

Kung maganda ang takbo ng career niya, happy din siya sa kanyang lovelife dahil muli silang nagkabalikan ni Rudy Hatfield.
* * *
Sa showbiz, marami ang nagsasabi na mahirap makakita ng tunay na kaibigan. But there is always an exception to the rule. Marami pa rin ang totoong tao at mga kaibigan na maaasahan lalo na sa panahon ng kagipitan at pangangailangan.

Sa loob at labas ng showbiz, masasabi naming masuwerte kami sa pagkakaroon ng maraming kaibigan na aming itinuturing na kayamanan. Isa sa kanila ay si Mother Ricky Reyes na kaibigan na namin simula pa nung late dekada ’70, nung panahong nagsisimula pa lamang siyang magkapangalan sa larangan ng pagpapaganda at bilang isang negosyante. Naging daan ng aming pagkakaibigan ni Mother Ricky ang yumaong entertainment editor ng People’s Journal, si Bob Castillo, na isa rin sa itinuturing kong kaibigan.

Nasubaybayan namin ang paglago ng negosyo ni Mother Ricky at paglaki ng kanyang pangalan hanggang sa kanyang pagyaman bagay na aming ikinatutuwa. Pero hindi namin kinakitaan si Mother Ricky ng pagbabago lalo na sa kanyang pakikitungo sa kanyang mga dati nang mga kaibigan. Siya pa rin ang dating Mother Ricky na nakilala namin nung payak pa ang kanyang pamumuhay. Marunong pa rin siyang lumingon sa kanyang pinanggalingan gaano man kalayo ang kanyang narating.

Kung tutuusin, naabot na ni Mother Ricky ang rurok ng tagumpay na hanggang ngayon ay pinapangarap lamang ng iba pero patuloy siya sa kanyang bokasyon, hindi lamang para lalong mapalago ang kanyang mga negosyo kundi ang makatulong lalung-lalo na sa mga kapuspalad.

Sa maraming taon na ng kanyang livelihood project na "Isang Gunting, Isang Suklay", libu-libong maralita at walang mga hanapbuhay ang nabigyan niya ng trabaho at pagkakakitaan.

Sa kabila ng kanyang estado ngayon, pinaghahandaan na niya ang kanyang pagtanda. Plano niyang magtayo ng isang home for the aged na kumpleto ng mga pasilidad, kasama na rito ang isang pagamutan na pamamahalaan ng isang holdings company na kanyang itatatag na siya ring mangangalaga ng kanyang mga itinatag na negosyo kung saan siya mismo titira sa kanyang pagtanda.

Speaking of Mother Ricky, last Tuesday sa mala-palasyong tahanan sa Valle Verde VI, may mahalaga siyang inihayag, ang pagiging image model ni Ruffa Gutierrez ng ‘Gandang Ricky Reyes’ na walang naging ibang kapalit kundi ang pagiging magkaibigan lamang nila ng mommy ni Ruffa na si Annabelle Rama.

Kung gugustuhin ni Mother Ricky, kaya niyang bayaran si Ruffa ng milyones pero ang magiging kapalit ay ang goodwill na maihahatag ni Mother Ricky hindi lamang kay Ruffa kundi sa kanyang Roof A Child Foundation na gustong tulungan at palaguin ni Mother Ricky.

Sa recent pictorials ni Ruffa na sinupervise ni Mother Ricky and photographed by Donald Tapan, kakaiba ang bagong look ni Ruffa. Biglang naging straight ang medyo curly na buhok at lalo itong bumagay sa kanyang personalidad.

Ang bagong look ni Ruffa ay makikita na sa mga billboards at print ads.

Sa araw na ito ng Biyernes ay nakatakdang umalis si Ruffa kasama ang kanyang boyfriend na si Yilmaz Bektas na dumating lamang kahapon para personal siyang sunduin dito at sabay na silang magtutungo ng France in time for the Cannes International Film Festival kung saan sila unang nagkakilala nung May 11, 2000.

Hanggang ngayon ay tuliro pa rin ang isip ni Ruffa kung tatanggapin na niya ang alok na kasal ni Yilmaz o kung bibigyan pa niya ng pagkakataon ang kanyang career. Marami siyang offers dito sa Pilipinas at hinihintay naman ng Century Productions ang muli niyang paglagda ng panibagong kontrata na nag-expire last October.
* * *
Email:aster_amoyo@dolphincall.co.jp

Show comments