Melanie Marquez, bilang Gabriela Silang!

Matutupad din ang pangarap ni Melanie Marquez na makaganap ng role ng isang natatanging bayaning Pilipino. Isang mayamang Pilipino ang gustong i-finance ang kasaysayan ni Gabriela Silang sa pelikula.

Naniniwala ito na ang kailangan ng industriya ng pelikula ngayon para makabangong muli is a "shot in the arms." Si Melanie ang gusto niyang gumanap ng role.

Ang pelikula ay balak i-produce sa ilalim ng movie outfit ni Melanie.

Si Natalie Palanca ang production consultant ng kompanya.
* * *
Nagsawa na rin siguro si Alvin Anson, ang nakakabatang kapatid ni Boots Anson Roa na matagal na ring nag-aartista sa paghihintay ng isang magandang break sa pelikula, sapagkat pumayag na rin itong maghubo sa pelikulang Kapirasong Gubat ng MMG Films na nasa direksyon ni Kaka Balagtas. Isang mayaman ang role niya sa nasabing pelikula, may-ari ng isang yate na stranded sa isang isla sakay ang ilang mga kaibigan niyang mayayaman din. Mayroon siyang lovescene kay KC Castillo, isa sa tatlong sexy stars sa movie (ang dalawa pa ay sina Camille Roxas at Alma Soriano). Hubo’t hubad sila sa nasabing eksena.

Marami ang nagsasabi na baka masamain ni Boots ang nasabing paghuhubad ng kapatid pero, kung tutuusin, nasa edad na si Alvin para gawin ang gusto niya at kilala naman si Boots sa pagiging maunawain at may open mind sa lahat ng bagay kaya ang pagbabago ng image ni Alvin ay isang magandang career move lalo’t ang mga kumikitang pelikula ngayon ay pawang mga bold lamang bagaman at may sumisingit na paisa-isang non-bold films.

Ang Kapirasong Gubat ay nakatakdang mapanood sa Mayo 8.
* * *
May hosto na sa Pilipinas! Di na kinakailangan pang pumunta ng Japan at maging isang hosto. Nagsisimula nang dumami ang mga establisimiento dito sa bansa na nangangailangan ng mga lalaki para sa ganitong trabaho. Hindi man siguro kasing-laki ng sweldo kapag nasa Japan ka, pero kung iisipin mo na hindi ka na malalayo pa sa piling ng mga mahal mo at mas ligtas ka sa panganib sapagkat naririto ka sa sarili mong bansa, pareho na rin ang suma.

Ang Star Trax na pag-aari nina Jimmy Gabriel at Vladimir Garcia ay may ganitong konsepto. Sa kanilang lugar na matatagpuan sa Sgt. Esguerra at Eugenio Lopez Sts., sa harap ng ABS-CBN, lahat ng waiters guwapo. Trained silang lahat sa pagsisilbi sa mga customers, mula sa pagsisilbi sa pagkain hanggang sa pakikipag-table sa mga customers. Ang bentahe nila sa ibang mga kapwa nila waiters ay malaki ang tsansa nila na makarating ng Japan. Sina G. Gabriel at Garcia ay nagdadala ng mga hosto sa Japan. Bago nila itinatatag ang Star Trax ay ito na ang trabaho nila.

Bukod sa mga naggugwapuhang hosto, pagkaing may kasamang entertainment ang hatid ng Star Trax. Ito ang hanap ng mga taong gustong mag-unwind matapos ang mahabang araw ng trabaho. At kung gusto n’yong mag-participate at maki-jam sa mga singers ay pwede rin. May mga kilalang stand up comedians sa Star Trax na magpapagulong sa inyo sa katatawa.

Sa mga gustong maging hosto, magbubukas pa ang Star Trax sa Libis at Marikina.
* * *
Napili ang Batang Westside bilang Best Picture sa Singapore Filmfest. Naro’n sina Joel Torre at Yul Servo, mga bituin ng movie at ang direktor nilang si Lav Diaz para personal na tanggapin ang parangal. Ang Board of Jurors ay binuo ng mga pangunahing direktor sa Asya.

Binigyan naman ng tribute si Mike de Leon para sa kanyang Bayaning Third World. Ang pelikulang ito at ang Tuhog ay kasama sa 10 pangunahing pelikula ng festival pero hindi kasali sa kumpetisyon. May 300 pelikula ang nag-participate.
* * *
Samantala, nasa bansa na pala si Priscilla Almeda. Kasama niyang dumating ang kanyang anak na babae. Susunod na lamang daw ang ama ng bata.

Uunahin ni Priscilla ang pagpu-promote ng kanyang album sa Dyna Music na hindi niya nagawa nang pumunta siya ng Amerika.

Samantala, may self-titled album rin si Daisy Reyes na ginawa sa Dyna Music. Baka pagkatapos ni Priscilla ay siya naman ang mag-promote ng kanyang album. Nauna na sa kanila si Ina Raymundo na makatapos manganak ay nagbalik-showbiz.

Show comments