LT pinalitan ni Hilda sa soap ng GMA 7

Na-disappoint man ang mga taga-Siyete sa hindi pagkakasali ni Lorna Tolentino sa kanilang bagong soap opera, wala silang magawa kundi ang maghanap na lamang ng makakapalit ni LT at ito’y kanilang natagpuan sa pamamagitan ng isa ring premyadong aktres na si Hilda Koronel.

Nagsimula nang mag-taping ang Kung Mawawala Ka mula sa panulat ni Roy Iglesias last Friday, March 15 at magsisimula ang airing nito sa Abril 8 at mapapabilang ito sa block ng mga telenovela na napapanood araw-araw (mula Lunes hanggang Biyernes) sa Rainbow Network.

Sa umpisa, ratsada muna ang taping ng Kung Mawawala Ka at pagkatapos ay magiging thrice a week na ang regular taping dates nito. Bukod dito, magsisimula na ring mag-shoot si Direk Joel (Lamangan) ng movie nina Sharon Cuneta at Judy Ann Santos sa Viva Films, ang Magkapatid which intended for the Manila Film Festival. May naghihintay ding project kay Direk Joel ang Regal Films na muling tatampukan ni Assunta de Rossi.

Kung namamayagpag ngayon sa ere ang dalawang local soap ng Siyete, ang Ikaw Lang Ang Mamahalin at Sana Ay Ikaw Na Nga, umaasa ang mga taga GMA-7 na makikipaglaban din sa rating ang bagong sisimulang drama serial na mabigat ang istorya at cast.

Parang kabute naman ngayon na biglang nauso ang mga telenovela na meron na ring captive audience.

Since libre ang panonood sa telebisyon, hindi naman kaya lalong maapektuhan ang mga pelikulang lokal dahil ang mga artistang napapanood nila sa pelikula ay siya rin nilang napapanood nang libre sa telebisyon? Bukod kasi sa mga drama serials, meron ding mga tapusang programa na mapagpipilian ang mga manonood.
* * *
Tuwang-tuwa ang singer-actor na si Franco Laurel dahil matutupad na rin ang kanyang pagiging ama dahil almost two months preggy ngayon ang kanyang wife na si Ayen Munji-Laurel.

Although parang sariling anak na rin ang turing ni Franco sa dalawang anak ni Ayen sa kanyang first husband (na isang prinsipe sa Brunei), iba pa rin ang pakiramdam ni Franco. Bukod kasi sa magkakaroon ng baby brother or sister sina Yela at Kiko, tiyak na lalong magiging masaya sila sa magiging bagong karagdagan sa kanilang pamilya.

Ang pagbubuntis ni Ayen ay pinakamagandang regalong dumating sa kanilang first wedding anniversary ngayong March 18, same wedding anniversary ng mag-asawang Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.
* * *
Nagsimula nang mag-shoot last March 6 ang balik-tambalan nina Rudy Fernandez at Ara Mina sa bakuran ng Maverick Films, ang Diskarte na pinamamahalaan ni Edgardo ‘Boy’ Vinarao na unang nakatrabaho ni Daboy (Rudy) sa pelikulang Birador in 1998. Ang sariling production outfit ni Daboy na Reflection Films, ang line producer ng pelikula.

Mahigit isang taong walang pelikula si Daboy dahil naging abala ito sa pangangampanya nung nakaraang eleksyon. Pero ngayon ay aktibo na naman siya sa paggawa ng pelikula.

Huling napanood si Daboy sa pelikulang The Ping Lacson Story: Supercop na dinirek ni Toto Natividad under Millennium Cinema na pinalitan na ng pangalan at ginawang Maverick Films.

Unang nagkasama sa pelikulang Palaban na dinirek ni Toto Natividad for Millennium Cinema nung taong 2000 sina Daboy at Ara. Tampok din sa Diskarte sina Tirso Cruz III, Emilio Garcia at maraming iba pa. Ang nasabing pelikula ay nakatakdang ilahok sa bubuhaying Manila Film Festival na magsisimula sa darating na Hunyo 24.

Samantala, bukod sa pelikula, pinagkakaabalahan pa rin ng mister ni Lorna Tolentino ang kanyang weekly TV program sa GMA-7, ang Kasangga.

Hindi man pinalad si Daboy sa kanyang unang pagsubok sa pulitika, hindi naman niya ito pinagsisihan dahil marami siyang natutunan dito at hindi rin niya ipinipinid ang pintuan sa posibilidad na muli siyang tumakbo sa ibang pagkakataon.

"It was a learning experience for me," pag-amin pa ng award-wining action star with four best actor trophies to his credit.
* * *
Para sa inyong komento, ipadala ang inyong e-mail sa aster_ amoyo@dolphincall.co.jp

Show comments