Gimik lang ang relasyong Robin at Angelika?

Akala ko umulit na naman kay Robin Padilla ang kasaysayan, nang magkaroon siya ng damdamin sa isa sa kanyang batang nakatambal sa pelikula na si Jolina Magdangal. Ang diumanong romansa nila ay nagtagal din kahit matagal nang naipalabas ang kanilang movie na nagbigay ng dahilan sa marami para tanggapin na, siguro nga, nagkatapat ang kanilang mga damdamin.

Sa unang malas, may namumuong relasyon na naman sa kanila ng kanyang katambal sa Hari Ng Selda ng Viva Films na si Angelika dela Cruz. Bukod sa madalas silang makitang magkasama at magkahawak kamay pa, ay lumalabas pa rin sila tuwing makakatapos ang kanilang shooting. "Sino ba naman ang hindi kailangang kumain makatapos ang trabaho?" ang mabilis na sagot ni Binoe sa mga tanong tungkol dito. "Hindi naman kaming dalawa lamang, kasama ko ang mga pinsan ko at siya naman ay sinasamahan ng kanyang mga fans," dagdag paliwanag pa nito.

Pero, nung huling pa-presscon ng pelikula na dinaluhan nina Robin at ng direktor ng pelikula na si Deo Fajardo, Jr. (absent si Angelika) tila nadulas si Robin sa pagsasabi na ang pagsasabay nila ng kanyang leading lady ay sinasadya lamang. Lumilipat lamang ang magandang aktres ng kanyang sasakyan kapag malapit na sila sa kanilang pupuntahan. "Kung napapansin n’yo, hindi namin ito itinatago, yung aming sweetness. Kung totoong may relasyon kami, palagay n’yo ba malalaman n’yo?" tanong ng action star.

Para na rin niyang sinabi na bahagi lamang ng pelikula ang mga nakikita sa kanila, bahagi ng promo nito bagaman at hindi naman maitatanggi na hindi naman sila magkaaway, close sila bilang magkaibigan. Not even the rumor na lumipat ng bahay si Angelika, from her dad’s house to her mom’s dahil sa mga maiinit na eksena nila sa pelikula. Nagtataka ang dad niya kung bakit siya pumayag, does not hold water anymore.

"Hindi ko alam yun ah. Wala kami kasing chance na mag-usap. Busy kami sa promo ng pelikula namin," iwas niyang muli.

Nevertheless, nakatakdang mapanood ang Hari ng Selda sa Marso 30 sa mga sinehan. Tampok din dito sina Rommel Padilla, Raven Villanueva, Berting Labra at si Johnny Delgado.
* * *
Sa Calesa Bar din galing ang beauty ni Anjelina, ang newest recording artist ng 8 Records & Entertainment. Alam naman nating lahat na kapag kumanta sa nasabing lugar, sigurado talagang may magandang boses at mahusay mag-perform. Early years ito ng 90’s. Sa mga huling taon ng nasabing dekada, nagtungo ng Japan si Anjelina para kumanta ng anim na buwan. Sinwerte siya sapagkat napasama siya sa isang CD "Kaigan Ko Onna" ("Mga Babaeng Mahal Ang Dagat" o "The Girl Who Loves The Sea"). Siya lang ang Pinay. Tatlong Haponesa ang kasama niya. Nag-hit ang single niyang "Anata No Ai Wa Watashi No Jinsei" ("Ang Pag-ibig Mo ay Pag-ibig Din Ang Dulot Sa Akin" o "Your Love Brings Life To Me"). Nilibot niya ang mga club sa Japan bago siya nagpasyang umuwi at bumalik ng Calesa Bar.

Minsan habang inaawit ang "Hiram" ni Zsazsa Padilla ay nilapitan siya ni Vic Jose at dinala siya sa kumpanyang kinaaniban niya ngayon.

Dalawampu’t dalawang taon na si Anjelina na dumaan na sa mapanuring tenga nina Ryan Cayabyab at Claire dela Fuente.

Ang bagong self-titled album niya sa 8 Records ay ipinamamahagi ng BMG Records Pilipinas. Prodyus ito nina Emma CL Lin at Nonoy Tan.

Ang promo song nito ("Higit Pa Sa Buhay Ko") na bumabandila ngayon sa ere ay likha ni Dan Pasque at inareglo ni Tito Cayamanda. Ang iba pang awitin dito ay ang "Missing You", "Ayoko Nang Masaktan Pang Muli", "Bakit Ngayon Lang", "Minsan Lang", "Don’t Be Unkind", "No One Loves Me Like You Do" at marami pa.

Show comments