Kumusta na raw ba ang binatang militar, ngayong binabagyo na naman ang buhay ng kanilang pamilya?
Dahil nakapiit nga ang kanyang ama at kapatid at sari-saring isyu na naman ang pinagpipistahan ng media tungkol sa pagpapaopera ng tuhod ng Pangulong Joseph Estrada sa Amerika at sa pag-aalis ng mga abogado nito ay natural lang na kumustahin nila si Jude.
Likas na mahiyain at malayo ang bituka sa mundo ng pulitika, bilang anak ay natural lang na malungkot ang binata sa mga kaganapan ngayon tungkol sa kanyang pamilya.
Ang totoo, gusto mang dumalaw nang mas madalas si Jude sa kanyang ama at kapatid sa Veterans Memorial Hospital ay nililimitahan na rin niya yun, dahil tuwing umaalis siya ay sobra-sobrang lungkot naman ang kanyang nararamdaman.
Maraming tanong si Jude na hindi nasasagot, marami rin siyang sama ng loob sa estado ng hustisya sa ating bansa, ang isinasaloob na lang niya ang lahat.
Ang madalas niyang kausap ngayon ay ang kanyang kapatid sa ama na si Mayor JV Ejercito, kapag parehong maluwag ang kanilang oras ay lumalabas sila, nagkukuwentuhan tungkol sa kalagayan ng kanilang ama.
Walang problema sa pagitan ng magkapatid kahit noon pa, pero naging mas close sila ngayong matinding trahedya ang kinakaharap ng kanilang ama.
Si Mayor JV pa nga ang madalas mag-text sa amin, nangungumusta sa kanyang kuya, pakisabi na lang daw namin kay Jude na isang araw ay lilipas din ang mga problemang bumabagabag sa kanila.
Kapuri-puri ang ginagawang pagsuporta ni Mayor JV sa kanyang nakatatandang kapatid, lagi itong nangungumusta at pinalalakas ang loob ng kanyang kuya na paminsan-minsay isinasabit din sa kung anu-anong isyung wala namang katotohanan.
Sabi namiy magpapayat kasi siya nang mawala ang kanyang tiyan na nagmumura sa laki, para kapag maganda na ang bulto ng kanyang katawan ay makapagbalik-showbiz na siya.
Tawa lang nang tawa ang binatang militar, dahil ang pinakahuling pelikulang ginawa niya ay ang Palaban ni Rudy Fernandez.
Madalas siyang sumama ngayon kay Senadora Loi sa mga lakad ng kanyang mommy, may mga nangangalaga man sa seguridad ng kanyang ina ay iba pa rin siyempre ang malasakit na maibibigay ng sariling anak sa kanyang ina.
Sanay na kami sa pagiging tahimik ni Major Jude, pero malaking-malaki ang kaibahan ng pagiging tahimik sa pagiging malungkot.
Hindi man siya nagpapainterbyu tungkol sa kanyang saloobin bilang anak ng pinupukol na politiko ay hindi na niya kailangan pang magsalita, mas malakas ang boses ng aksiyon, kaysa sa literal na pagsasalita.
Pero tuloy ang buhay sa kabila ng mga problema, patuloy na sumisikat ang araw na ang kakambal ay bagong umaga, bagong buhay.