Seiko, naghahanap ng maibi-build-up

After the success ng unang tambalan ni Regine Velasquez sa pelikulang Ikaw Lamang, Hanggang Ngayon lilipat naman si Richard Gomez sa Regal Films para sa pelikulang pagtatambalan nila ni Judy Ann Santos.

Then back to Viva Films para naman sa balik-tambalan nila ni Sharon Cuneta. Nakatakda ring gawin ni Goma sa taong ito ang pelikulang Bonifacio na ididirek ni Joel Lamangan at pagtatambalan nila for the first time ng hottest sexy star ngayon na si Assunta de Rossi.

Kung sa mga nakaraang taon ay tig-iisang pelikula lamang ang ginawa ni Goma, this year ay malamang na makagawa siya ng tatlo hanggang apat na pelikula, isang indikasyon na balik na naman ang pagiging in-demand ng mister ni Lucy Torres.
* * *
Dinagsa ng maraming tao ang inauguration ng derma clinic/salon ni Rosanna Roces sa 5th level ng SM Megamall B na pinangalanan niyang Flawless. Go rin siyempre ang mga kaibigang celebrities ni Osang tulad nina Lorna Tolentino, Angel Aquino, Gladys Reyes, Aiko Melendez, Daisy Reyes, ang magkasintahang Rica Peralejo at Bernard Palanca, ang mag-asawang Melanie Marquez at Atty. Adam Lawyer, Direk Chito Roño, Butch Francisco, Manay Lolit Solis at ilang executives ng GMA-7 at TAPE, Inc. tulad nina Wilma Galvante, Marivin Arayata at Malou Choa-Fagar. Ito’y dinaluhan din ng mga taga-TV and print media.

Ang mga serbisyo ng Flawless ay facial cleansing, pimple treatment, facial with seaweed, facial with collagen, skin whitening, foot spa, body bleach, body reflexology, painless wart removal, pimple injection, skin peeling at waxing. At ang maganda rito, very reasonable ang price.

Ang bagong tayong negosyo ni Osang ay isa lamang sa kanyang paghahanda sa future ng kanyang pamilya.

Bukod sa Flawless, meron pang ibang negosyo ang mag-asawang Osang at Tito Molina, isang car care service na nagsasampa na sa kanila ng pera.
* * *
Dalawa sa mga sexy stars ng Seiko Films ang kasalukuyang buntis – sina Brigitte de Joya at Nini Jacinto kaya walang choice ang Seiko Films big boss na si Robbie Tan kundi ang tumuklas at mag-build-up ng panibagong mukha sa pamamagitan ni Diana Zubiri na ipinapakilala sa pelikulang Bagets na pinamahalaan ni Jun Posadas. Tampok din sa naturang pelikula sina Rodel Velayo, Allona Amor, Winston Elizalde at Celso Ad Castillo. Ito’y mula sa panulat ni Jerry Gracio at sinematograpiya naman ng award-winning na si Romy Vitug.

Tulad ng mga naunang stars ng Seiko, maganda at sexy si Diana at isa itong star material kung maaalagaang mabuti. Sweet at very refreshing ang kanyang beauty.

Tulad ng marami sa ating mga showbiz celebrities, Si Diana ay produkto rin ng isang broken family. Bata pa siya nang sila’y iwan ng kanyang ama na may sariling pamilya na ngayon. Para makatulong, pinasok ni Diana ang pag-aartista dahil may gusto rin siyang patunayan.

Samantala, gaano kaya katotoo ang balitang nakarating sa amin na hindi umano isang Hapon ang ama ng pinagbubuntis ngayon ni Nini Jacinto kundi ang bold actor na si Rodel Velayo? Ang ama naman umano ng dinadala ngayon ni Brigitte de Joya ay isa ring bold actor ng Seiko Films na si Miguel Moreno.
* * *
Gusto naming pasalamatan ang ating mga dear readers na patuloy na nagpapadala sa atin ng kanilang comments at reactions sa pamamagitan ng e-mail and we’re printing one of them.

Mula kay Ma. Corazon Duit – "Regine Velasquez did it again". Tama ang sabi ni Richard na siya nga ang Box-Office Queen. Consistent, as proven by her latest hit movie, Ikaw Lamang, Hanggang Ngayon. I myself, saw the pila."
* * *
Email:aster_amoyo@dolphincall.co.jp

Show comments