Ang premiere episode ng T en T (Traffic and Trash) ay mapapanood ngayong ika-24 ng Pebrero, Linggo, mula alas-dos hanggang alas-tres y medya ng hapon.
Bale co-host ni Bobby sa naturang talk show ang aktres na si ChinChin Gutierrez. Sa kanyang premiere episode, panauhin ni Bobby ang creme dela creme, wika nga, ng mga henyo sa larangan ng basura at trapiko.
Hindi na baguhan si Bobby sa TV hosting dahil hasang-hasa na siya sa Amerika kung saan ay naging host din siya ng isang magazine show, ang Hello L.A. na sikat na sikat sa cable channel doon. Si Bobby lamang ang nag-iisang Pinoy sa nasabing produksyon, pero bongga naman dahil siya ang main host ng naturang programa.
Pagbalik ng Pilipinas ay agad niyang inatupag ang pag-aasikaso sa isang family business, ang B. Colet Insurance Company. Pero palibhasay may angking talino at tapang, agad siyang hinatak ng daigdig ng media. At heto nga, bumabandera na siya sa telebisyon ngayon.
Ang Trash en Traffic ay nilikha ng METTRO (Movement for Efficient Trash and Traffic Road Order) sa pamumuno ni Antonio Balmori Villegas. Ang tumatayong direktor ni Bobby sa T en T ay ang imported na si Raymond Lacovacci, isang film maker at animator. Ilan sa mga naidirihe nito ay ang animation ng The King and I, The Scarecrow at Trumpet of the Swan. Ito rin ang direktor ng hit series na Streetfight na kasalukuyang napapanood sa Solar Channel sa cable.