Character actress, nagsususi ng ref!

Sobra rin pala ang katipiran ng character actress na ito lalo na sa kanyang dalawang katulong. Kapag nag-grocery ng mga pagkain na inilalagay sa refrigerator ay sinususian niya ito para hindi magalaw ng kanyang mga katulong. Ilang ulit din nitong pinaiinit ang ulam kung saan tinitipid din sa pagkain ang mga katulong.

Ang character actress ay lumalabas pa rin sa telebisyon pero paminsan-minsan na lang sa pelikula kaya hindi natin masisisi kung naging matipid ito ngayon dahil kapos na ang kanyang kinikita.
Natigil Ang Syuting Nina Bong At Assunta
Nagsimula nang magsyuting ang pelikulang Ang Kembot at Kilabot ng Imus Productions na tinatampukan nina Assunta de Rossi at Bong Revilla, Jr. Pero nahinto ang syuting nila ayon sa isang reliable source dahil gustong I-revise ang script at dagdagan ang ilang eksena kung saan maghuhubad si Assunta.

Pero hindi pabor ang manager ng aktres dahil hindi naman yon ang napagkasunduan. Wala sa kanilang usapan na maghuhubad si Assunta. Kung dadagdagan man ay kailangang dagdagan din ang talent fee ng aktres. Isang prosti ang papel na gagampanan ni Assunta na ala-Pretty Woman ang dating samantalang customer naman sa club si Bong na mai-inlove sa kanya.

Isang milyon ang ibinayad sa aktres na ginamit naman para makabili ng Nissan Patrol. Kabi-kabila ang project na gagawin ni Assunta gaya ng Bahid kung saan makakasama niya sina Christopher de Leon at Hilda Koronel at kapareha niya si Onemig Bondoc na magpapa-sexy na rin. Isa itong sexy drama. Nakalinya na rin ang movie niya para sa darating na Metro Manila Film Festival na ala-Insiang ang dating.
Erwin, Nag-Training Sa Martial Arts
Sa presscon ng Magandang Umaga Bayan ay tinanong namin si Erwin Tulfo kung hindi ba mapanganib ang kanyang trabaho lalo na sa Mission X. Ayon dito ay nakakatanggap din siya ng death threat pero dahil mahal niya ang trabaho ay idinadaan na lang niya ito sa pagdarasal. Alaga naman ito ng Dos at binigyan naman siya ng security lalo na kapag may surveillance operation ang grupo na nauukol sa droga. Tinuturuan din siya sa wastong paghawak ng baril at may training din sa martial arts. Nakikipag-coordinate rin siya sa mga pulis. Pinakadelikado niyang misyon ay yung sa Basilan at Afghanistan. Nagkaroon na si Erwin ng aksidente nang banggain ang kanyang motorsiklo.

Natutuwa si Erwin dahil muli na naman silang magkakasama ni Julius Babao sa Alas Singko Y Medya at inaming walang sapawan o inggitan sa kanilang dalawa. Magkaiba naman ang kanilang segment at balanse ito.

Idinagdag pa ni Erwin na sariwa ang kanilang mga balita at naniniwalang maraming nangyayari sa madaling araw. May grupo silang umiikot na galing sa iba’t-ibang programa nila gaya ng Mission X, Correspondents at iba pa.
Allona, Sumabak Na Sa Aksyon
Napanood namin ang pelikulang Halik Sa Aking Lupa at gaya nang sinabi ni Mrs. Lita Buenaseda na siyang prodyuser nito ay maganda ang istorya ng pelikula sa direksyon ni Jett Espiritu. Isang policewoman ang seksing aktres na si Allona Amor na naghiganti sa mga kaaway na pumatay sa kanyang mga mahal sa buhay. Bilang policewoman ay maraming aksyon ang ginawa ni Allona gaya ng pakikipagbakbakan, pangangarate, pakikipagbarilan at pakikipagsuntukan. Maaasahan naman pala ito sa mga action scenes dahil mabilis siyang kumilos at may background din ng martial arts. Noon pa man ay sinasabi na sa amin ng aktres na gusto niyang maging action queen kaya lang nalinya siya sa sexy movie. Umaasa naman ito na darating din ang araw na makakawala siya sa ganitong imahe. Malaki ang pagtitiwala ni Lita Buenaseda kay Allona kaya nga paborito niya itong artista. Napaka-propesyonal pa rin nito bukod pa sa magandang PR.

Malayo na rin ang narating ni Allona dahil may pelikula na siyang gagawin sa malalaking kompanya gaya ng Regal at Maverick Films.
Jun, Journalist Of The Year
Kasama rin si Jun del Rosario sa police (investigative) segment ng Magandang Umaga Bayan. Eleven years na siya sa kanyang trabaho bilang TV reporter. Noong 1994 ay ipinasemento niya ang kanyang kamera para lang makapasok sa Manila City Jail. Ayaw kasing magpapasok ng media lalo na kapag may dalang kamera. Nakunan naman niya ng footage ang nangyayaring anomalya sa City Jail. Dahil sa kanyang exposé ay nakatanggap siya ng award bilang journalist of the year noong 1995.

Marami na ring panganib ang kanyang naranasan lalo na noong nag-cover siya sa Camp Abu Bakar last year kung saan nadeklara silang missing kasama ang ibang reporter. Nakauwi na ang ibang kameraman pero naiwan siya kaya akala ng iba ay napatay siya. Pero sa lahat ng mga pangyayaring ’yun sinabi ni Jun na enjoy siya sa kanyang trabaho kaya lang ayaw niyang ipapakita ang kanyang mukha sa TV.

Show comments