Halina, Molina pinagsasabong!

Hindi naman nakapagtataka kung parang pinagsasabong sina Halina Perez at Monina Perez ng producer ng kanilang pelikulang Hinog Sa Pilit, Sobra Sa Tamis na si G. Sixto Dy. After all, umamin si G. Dy na isa siyang sabungero. Kaya niya ginawang business partner si G. Enrique Castillo, Jr., presidente at manager ng La Pue Drug, Inc., ang kumuha kay Halina para maging leading lady ng Philippine Cocking School para sa taong 2002.

Si G. Dy at si Halina ay nagkaroon ng di pagkakaunawaan nung ginagawa nila ang Hinog Sa Pilit... kung kaya napilitan ang producer na kumuha ng iba para mag-topbill ng pelikula.

Isang maganda rin at seksi ang nakuha sa katauhan ni Monina Perez, na sa pangalan at pangalan pa lamang ay obvious nang papalit kay Halina sa Leo Films.

Ang hindi inaasahan ay ang pagkakabati ng producer at ng kanyang artista kung kaya ngayon kahit na si Monina ang bida sa pelikula ay si Halina ang ipinu-push ng producer na hindi naman kataka-taka sapagkat mas may hatak na si Halina sa mga manonood. At wala rin namang magagawa si Monina kundi ang makisunod sa agos ng mga pangyayari sapagkat tulad ng isang panabong di pa matalas ang tari niya bago pa lamang siya at wala pa sa poder na tumutol.

Bilang muse ng PCS, ang nag-iisang iskwelahan para sa mga sabungero at nagtuturo ng tamang pamamahala ng mga panabong, gumagawa ng provincial tours si Halina para dumalo sa mga pa-derby. Pumunta siya ng Roligon nang nakaraang taon at nag-award sa champion ng 1st Leg Circuit Derby 2001 sa Casino Pilipino sa Bacolod. Siya rin ang makikita sa mga Poster-Calendar at pocket Calendar ng 2002 PCS.
*****
Tama ang desisyon ko na huwag makipagsiksikan sa napakaraming Valentine shows. Paano nga naman ako magi-enjoy kung nakatayo ako? Sigurado rin na masasapawan ang view ko ng iba pang manonood. Kung hindi mag-iinit ang ulo ko, baka mapaaway lang ako. Yung gusto kong panoorin na concert ni Aiza Seguerra ay hindi natuloy sa kasamaang palad kaya nagkasya na lamang kami ni Letty Celi sa isang matahimik na Valentine dinner kasama ang pamilya Vergara, sina Ogie, Rose at Russel.

Pero, next day. Pebrero 15, isang napakasaya at di malilimutang happenings ang napuntahan namin ni Letty rin sa Country Waffle. Ito ang concert ng bagong tatag na Q&A Band na nagbigay ng isang napaka-groovy na post Valentine show na ubod ng saya. It was an invitational affair na parang handog lamang ng Talent Works Entertainment Corp. para ipagpasikat ang isang grupong minamaneho nila, ito ngang Q&A na binubuo ng 10 lalaki at dalawang magaganda na ay magagaling pang kumantang mga babae. Mga musika ng 60s at 70s ang forte ng grupo kaya siguro na-hook ako dahil panahon ko ito. Wala yatang kinanta ang grupo na hindi ko alam kaya nung finale number, kasama ako ng audience na tumayo mula sa aking kinauupuan at walang pakialam na sumayaw sa harap ng aming mesa. Hindi ako nahiya dahilan sa katabing mesa, sumasayaw rin ang mag-asawang Tirso at Lyn Cruz, si Gina Alajar, Sandy Andolong, Amy Austria, Malou Choa-Fagar at sa isang mesa sa may bandang likuran ay umiindak din ang mga taga-Eat Bulaga sa pangunguna ni Ruby Rodriguez.

I wondered kung bakit well-represented ang Eat Bulaga, narun sina Bert de Leon, Joey and Aileen de Leon, Val and Tessie Sotto at marami pa. Sa press, tanging si Eugene Asis ang nakasama namin ni Letty. I’m sure marami sa kanila ang nasa ibang post Valentine concerts. Malas nila, sigurado akong mas masaya yung nasa Country Waffle na bukod sa libreng dinner at show ng Q&A ay nagbigay din ng number ang magaling na ngayong boy band, ang Synch-O at ang stand up comedianne na si Candy Pangilinan.

Show comments