AiAi parehas lumaban sa buhay

Dalawa ang kinikilalang ina ng pinakasikat na komedyanteng babae ngayon, ang tanging komedyanteng nakapagpaapaw ng manonood sa Folk Arts Theatre at nakapuno sa Araneta Coliseum, si Aiai delas Alas.

Marami silang magkakapatid, kaya ang batang si Aileen ay pinaalagaan ng kanyang inang si Nanay Gregoria sa kapatid ng kanyang ama, si Engineer Justa delas Alas.

Palibhasa’y matandang-dalaga ang kanyang tiyahin ay itinuring na nitong tunay na anak si Aiai na isang taong gulang pa lang nang mawalay sa kanyang tunay na ina.

Lumaki at nagkaisip si Aiai sa piling ng kanyang tiyahin, pero kailanman ay hindi niya kinalimutan ang tunay niyang pinagmulan, inunawa niya ang sitwasyon ng kanilang pamilya nu’ng panahong pinaalagaan siya sa kanyang tiyahin.

Sinuwerte si Aiai, pero ang suwerteng hawak niya ngayon ay hindi niya nakuha nang magdamagan lang, maraming taon din ang kanyang binuno bago siya tuluyang nginitian ng kapalaran.

Nasapul pa namin ang mga panahon ng pagsisikap ni Aiai sa Music Box, mula gabi hanggang madaling-araw siyang patawa nang patawa du’n, wala na siyang lakas pagkatapos niyang patawanin ang mundo.

Iba ang atake at diskarte ni Aiai, kaya naging malaki ang puwang ng pinto ng showbiz para sa kanya, lumaki nang lumaki ang kanyang pangalan, at ngayon nga’y siya na ang kinikilalang Comedy Concert Queen.
* * *
Talagang patuloy na uulanin ng suwerte ang nangungunang komedyante dahil mapagmahal siyang anak at kapatid.

Hindi niya sinasarili lang ang mga biyayang tinatanggap niya, lahat ng mahal sa kanya ay kailangang makisabay sa kanyang kaluwagan at kaligayahan.

Mismong tunay na ina ni Aiai ang nagsasabi, patuloy na bibiyayaan ng Diyos ang komedyante dahil kailanman ay hindi siya pinagbago ng kasikatan at salapi.

At totoo ang sinasabi ng kanyang ina, dahil mula noon hanggang ngayon, ang nakilala naming Aiai ay siya pa rin–mapagkumbaba, parehas lumaban sa buhay, matiisin at hindi naaapektuhan ng kanyang katayuan ngayon bilang nangungunang komedyante ng ating bayan.

Isa pang katangian ni Aiai na bihirang makita sa matatagumpay na artista ay ang pagpapahalaga niya sa kanyang payak na nakaraan.

Basta meron siyang sapat na oras ay dumadalaw pa rin siya sa Music Box, nakikihalubilo pa rin siya sa mga dati niyang kasama roon, hindi siya naglalagay ng pader sa pagitan niya at ng sinumang naiwanan niya sa pag-akyat sa hagdan ng tagumpay.

Ang mga katangiang ‘yun, idagdag pa ang sobra-sobrang kaligayahang isinasabog niya sa araw-araw, ‘yun ang malakas na hanging nagtataboy sa mga nagtatangkang magpabasak sa kanya at kaparehong puwersa ring lalo pang nagtutulak sa kanya paitaas sa mas malaki pang tagumpay.

"Wala naman kasing dapat ipagbago, lahat naman ng kung anumang meron ako, eh, hiram lang!

"‘Yun ang iniiwasan ko, ang dalawin ako ng karma, kaya kailangang parehas lang tayong lumaban sa buhay," sinsero na si Aiai sa kanyang mga pahayag ay kung bakit nga ba ganu’n, nakakatawa pa rin siya.

Show comments