Matet, umaming may gustong iba!

Hanga kami sa ugali ni Matet de Leon. Prangka. Walang pakialam. Siya ’yung tipo ng artista na gagawin kung ano ang gusto niyang gawin, keber na sa sasabihin ng ibang tao. ’Yun nga ang kaibahan ni Matet. Sa ugali niyang ’yun doon mo siya hahangaan.

Kahit na personal na damdamin niya, wala siyang pakialam na iparamdam sa tao ang saloobin niya. Tulad na lamang nang aminin niya na attracted siya kay Luis Alandy. Alam ng tao na going steady sila ni Harold Macasero.

‘‘Gusto ko si Luis kasi may ugali siya na siya lang ’yun, eh,’’ sabi ng anak ni Nora Aunor. ‘‘Pero syempre, hanggang doon lang ’yun kasi may boyfriend ako, may girlfriend siya. Pero kung liligawan niya ako, sasagutin ko talaga siya,’’ prangkang sabi nito.

Marami ang hindi pabor sa relasyon ni Matet kay Harold. Aminado si Matet na pini-pressure siya ng maraming tao na kalasan na ang boyfriend niya.

‘‘Puwede naman kaya lang ayoko. Magtu-two years na kami. Siguro nga, mahal ko na siya. Pero I also have this feeling for Luis, eh,’’ naguguluhang tinuran nito.

Si Matet, kasama sina Aiza Seguerra, Dennis Trillo at Patrick Garcia ang mga pangunahing tauhan sa Valentine episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi. Nabasa namin ang istorya at nagandahan kami. Excited kami kung natuloy ’yung kissing scene nina Aiza at Matet. Si Wenn Deramas ang nagdirek nito, mula sa script ni Keiko Aquino.
* * *
Sampung artista ng ABS-CBN Talent Center ang nakakuha ng nomination sa forthcoming 18th Star Awards for Movies, na gaganapin sa March 9 sa UP Theatre. Nominado for actor of the year sina Diether Ocampo (La Vida Rosa) at Carlo Aquino (Minsan, May Isang Puso). Nominado rin si Carlo sa kategoryang supporting actor para sa Bagong Buwan naman. Parehong nominado sina Serena Dalrymple (Mila) at Jiro Manio (La Vida Rosa) for child performer.

Nominadong new movie actor sina Luis Alandy (Luv Text), Carlo Muñoz (Yamashita: A Tiger’s Treasure) at Ryan Ramos (Oras Na Para Lumaban). Sina Heart Evangelista (Trip) at Angelene Aguilar (Cool Dudes) naman ang maglalaban for new movie actress. Si Onemig Bondoc ay nominado sa darling of the press category.

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng mga nabanggit na Talent Center artists ang pagdalo sa prestihiyosong award night at ang aming mainit na pagbati sa sinumang mananalo.
* * *
Grabe ang ticket sales ng Hunks: First Time Mo? The Virgin Valentine Concert. Mamayang gabi na ito sa Folk Arts Theatre. Nagulat ang mga taga-JLF Organization (producer ng concert) sa biglang dagsa ng tao para makabili ng tickets. As we go to press, sold out na ang tickets.

Kaya inaasahan nang punumpuno ang Folk Arts Theatre mamayang gabi. Habang tinitipa namin ang kolum na ito ay ratsada na sa rehearsals sina Diether Ocampo, Piolo Pascual, Jericho Rosales, Bernard Palanca at Carlos Agassi. Aware ang lima na umaasa ang public sa magandang performance tonight.

Marami ang nagtatanong kung magbi-bare raw ba ang limang Hunks? Kung may ipakikita ba silang bago na hindi nakita sa unang concert nila sa Music Museum. Well, ang lahat ng ’yan ay masasagot lang mamayang gabi.

Aapaw din ang guests mamayang gabi. Nariyan sina Aiai delas Alas, Kristine Hermosa, Rica Peralejo, John Lapus, Jon Santos at Richard Gomez. Si Homer Flores ang musical director nito at si Johnny Manahan ang stage and TV director.
* * *
For your comments and feedback, you can e-mail me at eric_john_salut@hotmail.com

Show comments