Padasal kay Ishi!

Maganda ang feedback na natatanggap ng GMA-7 sa tambalan nina Dingdong Dantes at Tanya Garcia para sa kanilang soap opera na Sana Ay Ikaw Na Nga.

Pagpapatunay ito na tanggap na ng mga manonood ang kanilang tambalan. Bukod sa positive feedback, humahataw din ang rating ng programa.

Kaya naman ang aking malugod na pagbati sa buong cast ng Sana Ay Ikaw Na Nga lalo na kay Dingdong. Napaka-talented talaga niya. Hindi lang siya isang karaniwang actor na sa drama mo lang maaasahan. Magaling din siyang host kaya naman ilang beses na natin siyang napanood sa mga awards nights at ngayon nga sa mga corporate shows.

Alam kong malayo ang mararating ni Dingdong. Pero kailangan mong disiplinahin ang iyong sarili at huwag makakalimot sa mga taong tumutulong sa ‘yo.
* * *
Sa Huwebes, araw na naman ng mga Puso. At katulad ng nakagawian, kaliwa’t kanan ang show na puwede nating pagpilian para ipagdiwang ang araw ng pag-ibig.

Pero ang pinaka-matunog ay ang concert nina Regine Velasquez at Brian McNight sa Araneta Coliseum.

Ayon kay Boss Vic del Rosario ng Viva, sold out na ang mga ticket para sa dalawang gabi ng concert.

Pambihira ang ganitong pagkakataon kaya excited na ang lahat.
* * *
Muli akong nagpapasalamat sa mga nakiisa sa pagdiriwang ng 5th anniversary ng Master Showman. Kagabi ay nagdaos kami ng part two nito.

Kontrobersiyal ang ilan sa mga naging panauhin sa unang bahagi ng pagdiriwang namin, kabilang na sina Alma Moreno, Ara Mina, Aiko Melendez. Siyempre maraming nagulat dahil napapayag ko silang lumabas sa aming programa kahit na nga nasa gitna sila ng kontrobersiya sa kasalukuyan lalo na si Alma.

Kaya labis na pasasalamat ang nais kong ipaabot sa kanila at sa lahat ng mga nakiisa sa aming pagdiriwang ng Master Showman sa ika-limang taon ng programa.
* * *
Nagkaroon ng padasal at pagkilala na rin sa magagandang katangian ng yumaong girlfriend ni Vandolph na si Ishi Raquiza nung nakaraang linggo. Kumpleto ang pamilya ni Ishi, mga classmates at kaibigan nito at maging sina Vandolph at Alma.

Hindi napigilan ni Mrs. Marissa Raquiza, butihing ina ni Ishi ang maluha na agad napansin ni Vandolph na ngayon ay medyo nakaka-recover na, kaya niyakap niya ito.

Walang sinisisi si Mrs. Raquiza sa mga nangyari. Ang importante sa kanila ngayon, nasa piling na ng Panginoon si Ishi.

Show comments