Willie, babalik ng ABS-CBN ?

Nakatakda na nga bang magbalik si Willie Revillame sa bakuran ng ABS-CBN? Last Tuesday ay nag-taping ang komedyante bilang guest sa Martin Late @ Nite. Pinaunlakan niya ang pag-guest sa nasabing programa at mukhang sa kabila ng mga nangyari ay tinuring na it’s all water under the bridge.

Malamang ay labis na ikinagulat ni Willie ang imbitasyon na maging guest sa programa ni Martin Nievera pero marahil ay may pitak pa rin sa puso ng komedyante ang dating home station dahil hindi siya nag-dalawang-isip pa. Ayon sa isang staff ng show, naging masaya at komportable si Willie sa ginawang one-on-one interview with the concert king.

Natuwa si Willie na muling makatungtong sa ABS-CBN studio at makita ang mga dating katrabaho sa dati niyang show na Magandang Tanghali Bayan. Maging ang staff ay nagkwentuhan kung ano kaya ang magandang teaser for the said episode. Mismong si Willie ay pagbirong nag-suggest ng possible teaser na "Willie, babalik na ba sa ABS-CBN? na sinang-ayunan ng lahat.

Siguradong kapag naipalabas ang episode na ito ay hindi maiiwasang isipin ng marami na posibleng magbalik si Willie sa Dos. Bago pa man siya mapanood sa Martin Late @ Nite, lumabas na siya for the two consecutive episodes ng Attagirl.

Matatandaan na tinanggal si Willie sa MTB bilang isa sa mga hosts na siyang dahilan kung bakit hindi na muling nakita ang komedyante sa Dos ng matagal na panahon.
* * *
Sa Valentine’s Day, magsi-celebrate ng kanyang 18th birthday ang isa sa tinuturing na teen heartthrobs na si John Pratts. Hindi pa niya alam kung paano niya isi-celebrate ang kanyang kaarawan dahil sa rami ng kanyang showbiz commitments.

Masaya rin niyang ikinuwento sa amin na recently ay pumirma siya ng kontrata sa Bench bilang endorser. Syempre, happy siya na mapabilang sa pamilya ng Bench kasama sina Richard Gomez, Jomari Yllana at Diether Ocampo. Maliban sa clothing apparel, si John rin ang magi-endorse ng first literature book ng Bench na Pinoy Pop Culture.

Hindi pa niya alam kung gagawa siya ng TV commercial for Bench samantalang nakikita na ang kanyang billboard sa mga malls at print ad sa magazines. Magkakaroon ng fans day si John with surprise guests sa February 15 sa Metropolis Alabang.
* * *
Matapos ang successful Dickies Nights ni Carlos Agassi sa ilang key cities like Baguio, Iloilo at Bacolod, nasa Davao naman ang Amir of Rap tonight. Tiyak na hindi magpapahuli ang mga Davaoeño pagdating sa participation sa nasabing show.

Natatandaan namin kung gaano naging ka-wild ang mga taga-Bacolod last Friday. Kaya naman enjoy na enjoy si Carlos sa kanyang performance. Tiyak na magi-enjoy din ang mga taga-Davao ngayong gabi.

Sa Davao City, magkakaroon ng isang mini-fashion ng Dickies USA apparel na pangungunahan ni Andrea del Rosario at mga Star Circle Batch 10 members na sina Maoui David, Snooky Sanchez, Adrian Albert at Dennis Trillo sa SM Davao. Sa gabi naman, makiki-jamming kay Carlos si Angela Velez with X-Project Band. Gaganapin ito sa The Venue at 9 p.m.
* * *
Nais naming ipaabot ang aming pagbati ng Happy Birthday kay Talent Development & Management Center Vice President Johnny Manahan o Mr. M. sa mga taga-industriya. Ang amin ding pagbati kay Lawrence Tan (Assistant Vice-President for Corporate Communications & Public Relation at Ms. Lulu Romero (Director for Talent Center).

Show comments