Palagi namang nandiyan lang ang patutsadahan ng magkalabang istasyon, minsang tumaas at bumaba, pero laging nandiyan lang.
Kunwariy magkakaroon sila ng tigil-putukan na kahalintulad ng labanan sa pagitan ng mga NPA at militar, pero hindi naman natutupad, maya-maya lang ay iigting na naman ang labanan at magbabanatan na naman sila.
Ngayon ay nagkakagirian ang mga seryeng Pangako Sa Yo ng Dos at Sana Ay Ikaw Na Nga ng Siyete.
Nagpalutang ang Siyete na ililipat nila ng oras ang patuloy na tumataas ang rating na Sana Ay Ikaw Na Nga, pero nang matunugan yun ng Dos ay nagpahayag naman ang kalabang istasyon na ililipat din nila ang Pangako Sa Yo.
Natunugan uli ng Siyete ang gagawing hakbang ng Dos, kaya nilansi nila ang istasyon, lumipat uli sila ng panibagong time slot.
Nang matunugan naman ng Dos ang gagawing aksyon ng Siyete ay nagdesisyon silang huwag nang tinagin ang kanilang programa, yun daw ang hiling ng marami nilang manonood, ang huwag nang ilipat sa ibang oras ang nasabing teleserye.
Ang galing-galing talagang mambulabog ng Dos, kumbaga sa kolehiyo ay yun ang kanilang minaster, ang manggulo kapag nakakaapekto na sa kanila ang isang programa.
Tulad ngayon, nagiging bukambibig na ng publiko ang Sana Ay Ikaw Na Nga na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Tanya Garcia, ayaw ng Dos ng ganun na may nakauungos sa kanila.
Dalawang bagay lang ang alam ng Dos para magupo nila ang kalaban, ang pilayin ito, kung hindi man tuluyang patayin na.
Isang bagay na nakakalungkot, dahil ano ba naman kung paminsan-minsan ay may bala naman ang Siyete na nakapapatay sa kanila?
Sila na lang ba naman ang natatanging anak ng Diyos sa lupa na kailangang puro sa kanila na lang ang tagumpay at papuri?
Mas maraming pagkakataon namang sila ang namamayagpag, sila ang umaani ng tagumpay, kaya makasasakit pa ba sa kanilang puwersa kung meron mang programa ang kabilang istasyon na nakapangungusot sa kanila?
Balitang-balita na ang pagbabawas ng mga empleyado ng istasyon, dahil maraming negosyo nga ng mga Lopez ang bagsak ngayon, kaya kailangan nilang magtipid.
May serye pa sila na kinakailangang mag-ambag-ambag ng tig mamagkano ang kanilang mga artista, para huwag lang matanggal ang ibang staff na gusto nang tanggalin ng istasyon.
May isa pa kaming nakausap na diretsong nagsabing kapag ganyan ng ganyan ang Dos ay hindi malayong bumagsak na nga sila nang tuluyan.
Sana naman ay pagbigyan na ng Dos ang pamamayani ng ilang programa ng Siyete, tutal naman ay sila ang kumokopo ng mas maraming puwesto.
Sa sobrang paghahangad nila ay nakalulungkot isipin na baka isang araw ay makita na lang natin silang hindi na ang Siyete ang kalaban, kundi ang mahihinang istasyon na.
Huwag naman sanang mangyari ang ganun.