Carlos hindi ingrato!

Pulampula ang magkabilang pisngi ng actor-rapper na si Carlos Agassi nang makakwentuhan namin, halos buong hapon kasi siyang pinaarawan sa gitna ng EDSA, para sa isang bagong portion ng ASAP.

Palibhasa’y tisoy, konting painit lang sa araw ay namumula na, maliit na kagat lang ng lamok ay magsusugat na, ganun kasensitibo ang balat ng taong-taong si Amir.

Halos wala na siyang tulog at pahinga ngayon dahil sapin-sapin ang kanyang trabaho, abala sila sa pagi-ensayo para sa gagawin nilang concert sa Folk Arts Theater sa Valentine’s Day (Hunks), tuwing weekend ay nagpupunta naman siya sa malalayong probinsiya para sa kanyang Dickies Nights at dalawang beses sa isang linggo ay nagte-taping naman siya para sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan.

Idagdag pa dun ang pagiging panauhin niya sa ibang shows, ang recording nila ng The Hunks, ang pakikisama kapag may mga kaibigang manunulat na nagdiriwang ng kaarawan, anong uri ng pahinga at tulog pa kaya ang ginagawa niya?

Ayon kay Carlos ay walang lugar ang pagrereklamo sa isip niya, masaya nga siya sa mga nangyayari ngayon sa kanyang career, dahil ang dami-daming artista ngayong mas mahaba ang pahinga kaysa sa pagtatrabaho.

"Ang totoo nga po, kapag nasanay ka nang busy ka, hahanap-hanapin na ’yun ng system mo, ganun ang nangyayari sa akin!

"Kapag may isang araw na bakante ako, I look for work, parang hindi na ako sanay nang namamahinga," sabi ng binatang kung ilarawan ng mga manunulat ay napakadaling mahalin.

Bakit nga naman hindi madaling mahalin ang isang tulad ng batang aktor na birahin-pitikin mo man sa iyong mga kolum ay palagi pa ring may respeto at edukasyon sa pagharap sa mga pumupuna sa kanya?

Ilang manunulat na ba ang naringgan namin ng papuri sa binata tungkol sa positibo niyang pagharap sa problema?

Aminado siya na may kakapusan pa siyang kailangang punuan, pero may magagaling ba namang aktor na nagsimula agad sa pagiging mahusay?

Sa tamang proseso at hinay-hinay na paraan, ang mga kulang ay madadagdagan din at ang sobra-sobra ay mababawasan din.
* * *
Walang reporter na nagsabing lumaki na ang ulo ni Carlos mula nang mamulaklak ng maganda ang kanyang career.

Nagkahiwalay man sila ng kanyang dating manager na si Rapi Revilla sa kabila ng mga paninira nito sa kanya ay mas marami pa rin ang kanyang kakampi.

Napakatotoo kasi ni Carlos sa kanyang sarili at kapag ganun ang tao, ay mas totoo siya sa kanyang kapwa.

Marunong siyang magpahalaga kahit sa maliliit na tulong ang natatanggap niya, uso sa kanya ang pasasalamat at hindi siya nagagalit kapag may pumupuna sa kanya.

Kung ang lahat ng artista ay tulad ni Carlos na marunong magpahalaga, siguro nga’y wala ng reporter na magrereklamong ingrato ang mga artista.

Sa totoo lang!

Show comments