Carol, tinanggal sa ASAP

Masamang-masama umano ang loob ng singer-actress na si Carol Banawa dahil kung kelan siya nasa Singapore doing the musical play, Judah Ben-Hur where she’s playing the female lead role of Esther, ay saka naman niya nalaman na wala na pala siya sa ASAP.

Matagal na umanong expired ang kontrata ni Carol sa ABS-CBN Talent Center pero kung kelan siya paalis papuntang Singapore ay saka naman siya inalok na pumirma ng panibagong kontrata. Nakiusap umano si Carol na sa pagbalik na niya galing Singapore dahil may additional demands ang dalaga sa Talent Center. Ang buong akala niya ay okey lang sa Talent Center kaya umalis siya patungong Singapore na panatag ang kanyang kalooban. Last December bago siya tumulak for Singapore, she even launched her new album sa Star Records na pinamagatang "Transition" sa ASAP pero wala siyang kaalam-alam na last appearance na pala niya ’yon sa nasabing programa. Pinalitan na siya ni Diane dela Fuente at idinagdag din si Kristine Hermosa at bumalik na rin si Richard Gomez.

Ang pakiramdam ni Carol, hindi man lamang siya binigyan ng pagkakataon ng Talent Center na makapag-usap silang maigi bago man lamang umano siya sinibak sa nasabing programa.

Ganunpaman, life goes on with Carol. Kung hindi na umano interesado sa kanya ang ABS-CBN, interesado naman sa kanya ang GMA-7 at balak siyang isama sa SOP ang katapat ng ASAP. Pabalik ng bansa si Carol from Singapore on January 31 at may guesting na siya sa SOP on February 3 bago siya tumulak ng Amerika to do a series of shows at para makapagpahinga na rin. Magi-expire na rin ang kontrata ni Carol this year sa Star Records at hindi pa niya alam kung siya’y ire-renew ng kumpanya o hindi. Pero sa pagkakaalam namin, interesado sa kanya ang Viva Records.

Samantala, umaasa si Carol na matutuloy ang pagpapalabas sa Broadway in New York ng Judah Ben Hur. Pinaghahandaan na rin ni Carol ang kanyang first solo concerts sa Music Museum this year.
* * *
Nanghinayang kami at hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ang SOS o Society of Seven, ang longest all-Filipino band in Hawaii na dinarayo ng mga turista sa Outrigger Hotel doon. Ito rin ang banda na pinanggalingan nina Bert Nievera at Jun Polistico na pinalitan naman ni Gary Bautista (remember him?).

Kung hindi kami nagkakamali, 27 or 29 years nang tumatakbo ang SOS sa Hawaii pero hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang pagiging crown-drawers among the tourists.

We were in Hawaii recently for the Pacific Telecommunications Council pero sa tight ng aming schedule, hindi na namin nakuha pang panooring muli ang SOS. The last time na napanood namin sila sa Hawaii was still in 1986 at magkakasama kami nina Rico J. Puno at Eva Eugenio na dati naming alaga.

Show comments