Magkakasabayan lang kaming pumasok sa pagsusulat nina Manny, ang kasabayan niyang si Phillip Garcia ay nasa Amerika na ngayon at ang isa naman niyang kakontemporaryong si Devi Jimenez ay namayapa na.
Si Maricel Soriano ang pinakaunang naging alaga ni Manny, ilampung taon na ang kanilang pagsasama ngayon bilang talent-manager, matibay na matibay na ang pundasyon ng kanilang relasyon.
Pero bukod kay Maricel ay may iba nang mga alaga ngayon si Manny, nandiyan sina Assunta at Alessandra de Rossi, si Meryll Soriano at si Jay Manalo.
Si Maricel pa rin ang pinakaposteng alaga ni Manny, pero mas aktibo ngayon ang manager sa pakikipagtransaksyon sa kanyang mga bagong alaga.
Hindi dahil sa lipas na ang panahon ni Maricel, lagi lang nandiyan ang Diamond Star at naghihintay ng tamang proyekto, kaya habang naghihintay sila ay kailangang gamitin ni Manny ang panahon para sa mga bago niyang alaga.
Si Assunta, sa lahat ng hinahawakan ngayon ni Manny, ang napapanahon. Nakalusot ang dalawang pelikula ni Assunta at tinanghal pang best actress ng MMFF, bukod pa sa kaliwat kanang offer para mag-pose at gumawa ng commercials para sa ibat ibang produkto.
May mga nang-iintriga ngayon na dahil hindi na nga masyadong aktibo sa paggawa ng pelikula si Marya ay mas pinapaboran na raw ni Manny si Assunta, bagay na madaling unawain, dahil alangan namang idepende na lang ni Manny ang kanyang kapalaran kay Maricel?
May opisinang binabayaran buwan-buwan si Manny, kumakain siya araw-araw at may pinasusuweldo ring mga tauhan sa kanyang management agency, kaya alangan namang hintayin niyang dumating ang grasya at hindi niya hanapin?
Namumulaklak pa lang ang samahan nila nina Assunta, Alessandra at Jay at iba pa, samantalang ang sa kanila ni Marya ay namumunga na at sinubok na ng panahon.
Pero ang kapalaran at kinabukasan ni Manny Valera ay hindi niya maaaring iasa at ipaatang sa balikat ni Maricel, may mga sarili ring obligasyon si Marya at nauunawaan yun ng manager.
Habang naghihintay sila ng magandang proyekto para kay Maricel ay hindi maaaring basta maupo at magmukmok na lang sa isang sulok si Manny, dahil habang tumatakbo ang mga araw ay tumatakbo rin ang kanyang mga bayarin.
Sa panahong ito ay hindi tayo puwedeng magpaprente-prente na lang, bagsak ang ekonomiya at lahat ng negosyo ay apektado.
Hindi rin kagandahan ang takbo ng larangan ng pelikula, kaya lahat ng maaaring pagkakakitaan basta legal, ay pinapasok ni Manny.
At naiintindihan naman ni Maricel ang katayuan ng kanyang manager, dahil tulad niya, ay maraming responsibilidad na kailangang panagutan si Manny Valera.
Huwag na sanang lagyan pa ng kulay ang pagdadagdag ng alaga ni Manny sa kanyang kuwadra, magsalita na lang tayo kapag si Maricel na mismo ang nagrereklamo.