Nagsisimula nang sumipa ang pelikula!

Parang maganda ang ibinabadya ng local movies ngayon. Kasisimula pa lamang ng bagong taon, pero marami na ang mga bagong film outfits na nagpapakita ng kanilang intensyon na kundi man makabilang sa mga gumagawa ng pelikula ay malampasan ang achievements ng mga nauna na at namamayaning film outfits.

Nangunguna sa mga independent film outfits ang MMG Films International na nagpakitang gilas nitong nakaraang taon. Mga producers nito ang mag-asawang Engr. Ervin at Evelyn Mateo.

Bagaman at nagsimula ito sa mga maliliit na projects at artista, ngayon ay malalaking proyekto na ang kanilang ginagawa. Kabilang na sa kanilang roster of stars sina Eddie Garcia, Ronald Gan, Manny Pacquiao, Mikey Arroyo, Geneva Cruz, Judy Ann Santos, Alma Concepcion, Roy Vinzon at marami pang iba.

Naririyan din ang Manhattan Asia Films na pinamumunuan ni Valerie von Such. At hindi pa man nakakalibot sa mga sinehan sa Metro Manila ang ipinagmamalaki nitong initial movie na Mga Batang Lansangan... Ngayon ay heto, at humihirit na ang isa pa ring bagong tatag na Tri-Vision Films na ang isa sa tatlong producers ay isang former movie star, si Lynn Madrigal. Co-producers niya sina Atty. Gaudioso Manalo at Yoly Q. Leano.

Unang pelikula ng nasabing outfit ang Kaulayaw, isang bold drama topbilled by Barbara Milano at Allen Dizon, mga kilalang bold star na ang pelikula ay kumikita sa takilya.

Direktor ng pelikula si Francis "Jun" Posadas. Mga de kalibre rin ang suporta nila na kinabibilangan nina Roy Alvarez, Lovely Rivero, Jeffrey Santos, Alberto de Esteban, Lynn Madrigal at Johnny Vicar.

Kung gagawa man ng marka ang bagong kumpanya bukod sa maganda ang unang pelikula nila, ito ay ang pangyayari na mayroon silang isang bagong artista na siguradong gagawa ng pangalan sa larangan ng bold at magbibigay ng alalahanin sa mga namamayaning bold stars. Siya si Aleck Bovick, isang German-Filipino na ipinakikilala sa Kaulayaw.
*****
Si Les Reyes ay bunsong kapatid ng hairdressing magnate na si Ricky Reyes. Malaki ang dapat ipagpasalamat ni Les sa kanyang "kuya" sapagkat kung hindi dahilan dito ay baka ibang mundo ang pinasok niya, hindi ang mundo ng paggugupit at pagpapaganda sa iba bagaman at ang ugat ng naging trabaho nila ng kanyang kapatid ay nagmula sa kanilang ina. Ito ang orihinal na haircutter na Reyes, si Amada Reyes, na kapwa nila inspirasyon ng kanyang kapatid at malaking impluwensya sa kanilang buhay at trabaho.

Si Les ang proprietor at franchise holder ng Reyes Haircutters, nagsimula sa isang maliit na lugar sa Anonas, Project 2, QC nung 1991, pero ngayon ay mayroon ng 60 sangay at prangkisa nationwide. Kung magtutuloy ang negosasyon ay baka magbukas din siya ng prangkisa sa abroad.

Ang nakatutuwa kay Les ay nitong 2001 lamang siya nag-aral ng franchising at sa loob ng isang taon, 50 agad ang nabigyan niya ng prangkisa.

Isa sa mabilis na nagbigay ng pagkilala at kasikatan sa Reyes Haircutters ay ang pangyayari na kayang-kaya ng masa ang presyo nila. Sa simpleng gupit ay P49.99 lamang ang singil nila. Talagang bagsak presyo, hindi lamang dahilan sa katatapos na holiday season sapagkat ang presyo nila ay hindi dumi-depende sa panahon. Kahit anong oras, maging ang mga sidewalk vendor, o maski ang nagtitinda ng balut ay maaari bumisita sa alinman sa kanilang mga salon at magpagupit ng buhok sa murang halaga.

Ipinagmamalaki rin ng Reyes Haircutters ang pangyayari na pawang mga kabataan ang bumubuo ng kanilang staff, mga kabataan na masusi nilang sinasanay ng libre sa mga gawain na ibinibigay ng salon. "Pagkatapos ng kanilang training, bukod sa nag-improve ang kanilang personality na bahagi ng pagsasanay ay garantisado na silang may trabaho sa mga salon ko. I also share my blessings. Tumutulong ako sa mga orphanages at iba pang charitable institutions," pagmamalaki ng napaka-batang proprietor who is only in his early 40s at isang masipag na lector sa kanyang kinabibilangang Immaculate Concepcion Parish.

Wala ba silang hidwaan ng kanyang kapatid dahilan sa pagkakapareho ng kanilang negosyo?

"Gaya nang sinabi ko, masa ang pumupunta sa amin bagaman at mayroon ding mga nabibilang sa A & B groups. Bukod dito lubhang napakarami ang gustong magpaayos at magpagupit para kami mag-agawan ng customers. Besides, sa mga malls lamang ang mga shops niya at nasa labas naman ako," pagtatapos niya.

Show comments