Di kayo naimbita sa binyag ng mga Muhlach? Ako rin!

Apektado ngayon ang maliliit na artista sa ginagawang cost-cutting ng isang malaking TV network. Sa katunayan, maraming nagre-reklamo dahil maliit na nga raw ang kita nila, mababawasan pa at ang pinaka-masakit nito, malamang na mawalan pa ang karamihan ng trabaho.

Pero ang mas nakakabahala ay ang mga nawalan na ng trabaho. Paano na lang sila, lalo na ‘yung mga driver na umano’y balitang unang natanggal?

Bilang pangulo ng Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino, hindi yata tama ang ginawa nilang desisyon na basta-basta na lang tanggalan o bawasan ang suweldo ang mga artista na sa palagay ko naman ay malaki ang naitulong para makilala nang husto ang kanilang istasyon, tapos ngayon ganyan ang gagawin nila.

Kaya nga ang payo ko sa mga artistang baguhan na biglang sumisikat, matuto kayong mag-ipon ng pera dahil hindi pang-habang panahon ang trabaho. Ngayon suportado ka, baka bukas, makalawa, wala na kayong hanapbuhay.

At sa istasyon naman na sinasabi ko, matuto naman sana silang magpahalaga sa karapatan ng iba. Ang napapansin ko kasi, kuha sila nang kuha nang maraming artista na kahit walang talent pinipilit. Ang nangyayari tuloy, gumagastos sila ng malaki tapos wala namang mangyayari tapos sa bandang huli ang maliliit na manggagawa ang masasagasaan.
* * *
Huwag naman sana nating sisihin ang mag-asawang Aga at Charlene Muhlach kung bakit biglaan ang binyag ng kambal nila - Andres at Atasha noong nakaraang Martes.

Sa simula’t simula naman ay sinabi nila na isang simpleng binyagan lang ang gusto nilang mangyari sa kanilang kambal. ‘Yun tipong pang-pamilya lang na nangyari naman.

Saka sinabi na nila na ayaw nilang ma-expose sa publiko ang dalawa. Katunayan nga, marami silang tinanggihang commercial para sa kanilang pamilya.

Kaya sa mga hindi naimbita kabilang na ako, manahimik na lang tayo. Ang importante ay nabinyagan na ang mga bata.

Irespeto na lang natin ang naging desisyon nila.
* * *
Ngayon pa lang ay inaabangan na ang tambalan nina Mark Anthony Fernandez at Donita Rose sa Hesus Rebolusyonaryo.

Kakaibang kombinasyon ito kung tutuusin. Hindi naman gaanong mahaba ang role ng MTV VJ sa pelikula, ganoon pa man malaki ang kontribusyon niya sa kabuuan ng pelikula.

Hangad ko ang tagumpay ng pelikulang ito.
* * *
Sobra-sobra ang excitement ko ngayon dahil sa nalalapit na 5th anniversary ng Master Showman sa Feb. 2. Oo mga mahal kong manonood, limang taon na ang Master Showman. Parang kailan lang ano, iba’t ibang intriga ang lumabas. Na kesyo mawawala na ang show at walang nanonood. Pero heto, limang taon na tayo.

Marami nang nangako na makikiisa sa ating selebrasyon.

Kaya ngayon pa lang tatakan na ang inyong kalendaryo sa Pebrero 2.
* * *
Katulad nang nakagawian, sa darating na Feb. 9 gagawin sa Master Showman ang presentation ng mga kandidato sa Mr. World sa Araneta Coliseum.

Sa ating programa gaganapin ang presentation ng mga lalaking kalahok na may magagandang hubog ng katawan. Kaya nood na kayo.

Show comments