Mas magaling pang umarte

Maganda ang ma-involve sa mga makabuluhang gawain ng mga kabataan. Kaya naman nang makumbida akong maging chairman ng board of jurors sa Drama Festival ng Muntinlupa Science High School ay agad kong tinanggap at inilaan ko na ang araw na ‘yon para sa okasyong ito.

Siyempre hindi ako nagkamali sa aking desisyon, dahil talagang nag-enjoy ako ng panonood ng timpalak na ito ng mga estudyante doon. Lalo pa nga’t maraming mahusay umarte sa kanila at magaling din ang pagtatanghal na ginawa nila ng Go, Rider.

Unanimous ang mga hurado sa pagpili bilang best actor kay Mark Joseph Ubalde, na natural ang ginawang pagganap. Tunay na may potential siya na maging artista, kundi sa pelikula ay sa telebisyon.

Ginampanan ni Mark ang papel ng isang hardworking employee, na may isang anak na lalaki na nabuntis ang kanyang girlfriend. Dito nagsimula ang malaking conflict sa one-act play.

Third year high school student pa lamang si Mark at tiyak na malaki pa ang matututuhan niya sa pag-arte kapag naka-attend siya ng mga acting workshops.

Taga-kabilang grupo naman (fourth year) ang nahirang na best actress, si Joana Hazel Viray. Mukhang sanay nang gumanap sa legitimate stage si Joana, kaya’t kahit mahusay din ang gumanap na ina sa third year group, siya ang napagkaisahang mapili sa karangalang ito.

Si Stephen Cate (fourth year) ang best supporting actor bilang Jimmy, samantalang si Ma. Ailen Claudio (third year) ang best supporting actress as Lirio.

Nakopo ng mga third year students ang iba pang premyo: best director – Menard Edu Molina; Best Production Design – Allan Andres; Best Lights & Sounds – Vincent Landicho, Gaylord Henson at Lucky Galvez. Ang adviser ng grupong ito ay si Bb. Presentacion Jacob.

Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga guro at mag-aaral sa Muntinlupa Science High School sa malugod nilang pagtanggap at sa magandang palabas na nagbigay kasiyahan sa lahat ng nanood.
* * *
Tiyak na balang araw ay may makakatuklas na talent scout kay Mark Ubalde, dahil puwedeng-puwede siyang maging artista. Higit na mahusay siyang umarte sa mga young stars na madalas nating mapanood sa TV. Bukod sa magandang personalidad, husto pa sa tindig si Mark na tila six footer.
* * *
Sa pagbubukas na muli ng Manila Film Center ay ibang palabas naman ang araw-araw na napapanood doon na dulot ng Amazing Philippines Theater.

Isang musical presentation ang kanilang show na tinatampukan na mahigit 80 performers na ang karamihan ay gays o mga bading. Pero sa ganda at husay magtanghal, hindi sasabihing miyembro sila ng ikatlong lahi. Lahat sila ay mukhang tunay na babae, maging sa pagkilos, pagkanta at pagsasayaw.

Sa kanilang unang show na palabas pa hanggang ngayon ay maraming humanga sa mga magarbong production numbers tulad ng Korean Tradition Fan Dance, ang Japanese comedy number na Uta Hayaku nina Godiva at Bonsai, ang solo number na Crazy Woman ("I Who Have Nothing") ni Taira Vodka, at isang eksena sa Broadway musical na Chorus Line.

Kung napansin ninyo, international ang kanilang repertoire; dahil ang kanilang palabas ay talagang para sa mga turista.

Milyones ang budget ng show, kaya’t asahan ninyo ang mga pabulusong costumes at sets. Napakalaki ng stage ng Film Center, kaya’t mahirap punuin ito, pero nagawa ito ng Amazing Philippine Theater.

Mahusay ang pagka-direk ng show ni Casie Villarosa at nangako pa siyang higit na masisiyahan ang mga manonood sa kanilang ikalawang pagtatanghal na maaaring umpisahan na sa susunod na buwan.

Sa mga gustong manood ng kanilang initial presentation, palabas pa rin ito everyday. Tumawag lang sa Manila Film Center for ticket inquiries.

Show comments