'Mga Batang Lansangan... Ngayon ini-endorso ni Cardinal Sin

Masaya ang mga taga-Manhattan Asia Films na pinamumunuan ng bagong producer na si Valerie Von Such sapagkat nagbunga rin ng maganda ang hindi nila pagkakasali sa Metro Manila Film Festival. Ngayon ay mismong si Cardinal Sin ang nagi-endorso ng kanilang pelikulang Mga Batang Lansangan...Ngayon matapos nitong mapanood ang pelikula nung Miyerkules. Katunayan daw ay humingi pa ito ng sarili niyang kopya ng pelikula sa producer. Ang pelikula ay magsisimulang mapanood ngayon, Enero 4 sa mga sinehan sa direksyon ni Jose Carreon.

Ang Mga Batang Lansangan...Ngayon ay isang madamdaming pelikula tungkol sa mga streetchildren na sa kabila ng kanilang karalitaan at kawalang ng magulang ay nagpipilit na makapamuhay ng marangal.

Sa pangunguna ni Shaina Magdayao, limang mga ulilang kabataan ang sama-samang namumuhay na parang isang pamilya sa isang nasunog na gusali. Kahit na nabibigyan sila ng pagkakataon para sa isang normal na buhay, hindi nila ito tinatanggap sapagkat ayaw nilang magkahiwa-hiwalay.

Tungkol din ang pelikula sa mga anghel, kung paanong isinusugo sila ng Diyos para subaybayan ang mga tao sa mundo. Bagaman at hindi natin sila nakikita, hindi ibig sabihin ay hindi sila totoo. Katunayan, isa sa mga batang malakas ang paniniwala sa kanila ay nakikita sila.

Bukod kay Shaina, tampok din sa pelikula sina Bobby Andrews, Joko Diaz, Joanna Gonzales at ang mga child stars na sina Monica Shy, Monique Ferrer, Karen delos Santos, MJ Maranan, Mark Wilson at Aisen Bayubay.

Sa Linggo, Enero 6, magkakaroon ng isang malaking palabas para sa napakaraming batang lansangan sa bansa.

Ang palabas na pinamagatang Grand Tribute To The Streetchildren ay gaganapin sa Amoranto Stadium sa ganap na ika-3:00 ng hapon sa Multi Purpose Hall ng nasabing lugar.

Mga 300 batang lansangan at nagmula sa mga depressed areas ay bibigyang kasiyahan sa pamamagitan ng isang masayang musical show na tatampukan ng mga panagunahing artista ng bansa. Magiging panauhing pandangal ang Sekretarya ng DSWD na si Dinky Soliman. Darating din sina Quezon City Mayor Sonny Belmonte, Caloocan City Mayor Rey Malonzo, PCSO Chairman Ma. Libya "Honey" de Leon at marami pa. Magsisilbing host ang mga bituin ng Mga Batang Lansangan . . . Ngayon.

Show comments