Cesar, dapat mag-public apology

Marami ang nagulat sa mga binitiwang salita ni Cesar Montano nang kanyang tanggapin ang kanyang best actor trophy para sa pelikulang Bagong Buwan. Marami ang na-turn-off na manonood sa mga binitawang salita ng mister ni Sunshine Cruz. Sa paningin ng marami, hindi pala marunong tumanggap ng pagkatalo si Cesar. Although siya ang nanalong best actor, hindi ang pelikulang pinagbibidahan niya (Bagong Buwan) kundi ang pelikulang Yamashita ng MAQ Productions ang nakakuha ng may pinakamaraming award at kasama na rito ang best director na si Chito Roño.

Dahil sa mga binitawang salita ni Cesar, hindi lamang ang bumubuo ng Yamashita ang kanyang pinahiya kundi lalung-lalo na ang mga hurado na siyang nag-review at namili ng mga winners nung gabi ng parangal. Dahil dito, en masse na nag-walk out ang mga jurors dahil sa mga tinuran ni Cesar na hindi kanais-nais. Siyempre pa, nasaktan din ang kalooban ng mga bumubuo ng Yamashita sa pangunguna ng producer na si Mother Lily Monteverde na talagang umiyak sa sobrang sama ng loob.

"Bakit kapag ang ibang produksyon ang nananalo ay wala silang naririnig na masama galing sa amin?" tanong niya.

"I felt sorry for Cesar and I’m also happy for him dahil siya ang nanalong best actor," pahayag ni Mother Lily.

Kung hindi naniniwala si Cesar sa trophy na kanyang tinanggap bilang best actor, bakit hindi niya isinauli ito sa halip na tanggapin?

Kung mahusay si Marilou Diaz-Abaya bilang direktor, hindi rin matatawaran ang galing ni Chito Roño ganundin si Joel Lamangan. Pero isa lang sa kanila ang dapat manalo unless may tie. Nagkataon na si Chito ang pinaboran ng mga hurado at sigurado namang mayroon silang sariling panuntunan kung bakit ang Yamashita ang dapat mas manalo kesa Bagong Buwan.

Inisip sana ni Cesar na iba-iba ang panlasa ng mga hurado pagdating sa pagpili ng mga mananalo at ito’y mapapansin natin sa set of winners ng iba’t ibang award-giving bodies. Kumbaga sa sugal, merong nananalo at meron ding natatalo. Sobra siguro ang expectation ni Cesar sa kanyang pelikula.
* * *
Last Saturday, December 22, isa si Assunta de Rossi sa mga dumalong guests sa joint Christmas party ng PIMSI at GPEC na ginanap sa 8th Day Resto Bar sa may Ortigas Center. Doon ay sinabi namin sa kanya na strong contender siya sa pagka-best actress. Flattered siya pero ayaw niya itong asahang masyado dahil baka ma-disappoint lamang siya kung hindi siya ang mananalo.

Kaya nang i-announce ang kanyang pangalan bilang nanalo, hindi halos makapaniwala si Assunta dahil hindi niya ito gaanong inasahan, although she admits na talagang nagdasal siya bago nagtungo sa gabi ng parangal.

"Mixed emotions talaga ang naramdaman ko. Hindi halos ako makapaniwala na sa kabila na bold ang tema ng pelikula, mapapansin din pala ang akting ko."
* * *
Mahirap man ang buhay ngayon, buhay na buhay pa rin ang spirit at tradisyon ng pamimigay ng mga Christmas gifts nitong nakaraang Pasko. Nais naming pasalamatan ang lahat (alam na ninyo kung sino kayo) na nakaalaala sa amin gayundin ang mga nagpadala sa amin ng mga Christmas cards, e-mails at text messages. Sa inyong lahat, maraming-maraming salamat po.

Email: (aster_amoyo@dolphincall.co.jp)

Show comments