Pilipinas, bansa ng mga pirata

Isa sa magagandang bahagi sa katatapos na Metro Manila Film Festival Awards ay ang gawad sa SM Superstores ng VRB (Videogram Regulatory Board), bilang pagkilala sa kanilang malaking tulong sa anti-piracy campaign.

Sabi ng VRB, sa kanilang paglilibot sa kalakhang Maynila, ang SM malls ang nakita nilang hindi nagtitinda ng mga pirated VCD, na kinopya lamang sa mga pelikula. Tiyak ang SM ay hindi rin nagtitinda ng mga pirated CDs at cassettes, kaya’t malaking tulong din ito sa mga record companies.

Lubhang laganap na ang mga pirata sa ating bansa, kaya’t sila ang patuloy na naghihila sa hukay ng kamatayan sa ating mga legal na industriya ng pelikula at musika.

Kailan lang, nag-premiere night ang pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla na Pagdating ng Panahon. Kinabukasan ibinebenta na ng mga pirata/piranha ang pirated version na VCD. Naunahan pa ang opening date ng pelikula.

Buti na lamang kahit kumalat na ang-pirate VCDs, naka-P8 million pa ang pelikula noong first day nito. Kung walang fake na VCDs, baka mahigit na P10 milyon pa ang first day gross nito.

Ganyan kabilis ang mga pirata na talamak na talaga ang mga ilegal na negosyo sa buong bansa. Pati ang ating sariling music industry ay kawawang biktima nitong mga bootleggers. Talagang unfair trade practice ang kanilang ginagawa at pagnanakaw pa ng mga intellectual properties.

Hayagan ang ginagawang bentahan ng mga pirate CDs, VCD’s at cassettes, kahit sa mga malalaking tindahan at malls tulad ng Uniwide, Vira Mall at Nova Mall. Pati ang kahabaan ng Raon na noon ay tinawag na Pinoy Tin Pan Alley ay nasakop na ng mga pirata. Sila ang buong ningning na naka-display sa mga bangketa at natakpan na nila ang mga lehitimong record bars doon buong daang ‘yon.

Sa palagay ko hindi sapat ang ginagawang tulong ng gobyerno upang tuluyang masugpo o maglaho ang final at music piracy sa bansa. Ang ating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pa naman ay isang ekonomista, kaya’t dapat lamang na maging isa sa mga top priority niya ang war against piracy dahil tuwirang nakakaapekto ito ng kabuhayan ng mga Pinoy.

Marami nang mga movie companies ang tumigil sa paggawa ng pelikula dahil sa piracy, kaya’t marami ang nawalan ng hanapbuhay. Kahit ang mga malalaking record companies, patuloy ang pagbabawas ng mga empleyado dahil sa pagkalugi dulot ng mga pirata.

Tiyak ngayon ay napapansin na ng international community kung gaano kalala na ang piracy problem ng ating bansa. Hihintayin pa nating magkaroon ng worldwide sanction laban sa Pilipinas at itigil ang mga tulong na bigay sa atin at iba pang benepisyong dulot ng mga grupong binubuo ng mga kasapi sa Geneva Convention, na siyang nagpatibay ng kasulatan laban sa piracy at paglabag ng international law tungkol sa international copyright at intellectual property.

Kapag ang malalaking bansa na ang nagkaisa at tumigil sa pag-suporta sa Pilipinas dahil hindi tayo kumikilos na masugpo ang piracy sa ating bansa, higit na malulumpo ang ekonomiya ng bansa. Hahayaan ba ni Pangulong Gloria Arroyo na mangyari pa ito, bago siya lubos na tumulong na labanan ng movie at music industry ang piracy?

Sa eksenang ito puwedeng pumasok ang vice governor at aktor na si Mikey Arroyo. Yamang taga-showbiz din siya, maaaring siya ang tuwirang makipag-usap sa kanyang ina tungkol sa grabeng sitwasyon ng pamimirata sa ating bansa. Si Mikey pa rin ang maaring mag-ayos ng mahahalagang dialogue ng ating Pangulo at ng mga leaders ng industriya, upang buong kaliwanagang maipakita kay GMA ang higit na lumalalang sitwasyon.

Kapag nagawa ni Mikey ang malaking tulong na ito sa industriya, tiyak na ituturing siyang bayani at higit na babango ang kanyang pangalan; at maaari pa itong maging daan upang makamit niya ang minimithing popularidad sa masa.

Tanging ang liderato ni Pangulong Arroyo ang kinakailangan upang mapag-ibayo ang ngayon ay one-sided na giyera ng mga taga-industriya laban sa mga pirata.

Sa ngayon ay higit na lamang ang mga walanghiyang pirata–na kumikita ng milyon-milyon– mula sa pinaghirapan at nilikha ng mga movie at music companies. Walang kahirap-hirap ay tumatabo sila ng salapi, habang nakakibit-balikat lamang ang ating mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno, pati na ang ilang law enforcement agencies.

Magiging masaya kaya ang Pangulong Gloria Arroyo kung tatawagin na ang Pilipinas na bansa ng mga pirata?

Show comments