Mag-utol ang future groom ni Ana Roces at future bride ni Mikey Arroyo

Nakatakdang ikasal sa Enero 20 sa ganap na ika-7 ng gabi sa Santuario de San Antonio sa Forbes Park ang magkasintahang Ana Roces at Greg Montenegro, ang future brother-in-law ng presidential son na si Mikey Arroyo.

Although unang napabalitang ikakasal na sa susunod na taon ang panganay ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo na si Mikey sa second cousin nitong si Angela Montenegro, malamang na hindi nga ito matuloy sa susunod na taon dahil magiging magkasukob sila ng taon nina Greg at Ana who is Marinella Adad sa tunay na buhay. Pero kung hindi naman naniniwala sina Mikey at Angela sa matandang kasabihan na bawal sa magkapatid ang magpakasal sa loob ng isang taon, malamang na ituloy din nila ang kanilang napabalitang pag-iisang dibdib sometime mid next year.

Samantala, si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pangunahing ninang sa kasal nina Ana at Greg na ang reception ay gaganapin sa ballroom ng Mandarin Oriental Manila sa Makati kung saan minsan ay nagtrabaho si Ana bilang sales account manager.

Ang honeymoon ng ikakasal ay gaganapin sa Bangkok at sa Phuket, Thailand. Sa buwan naman ng Marso ay nakatakdang tumulak patungong Orlando, Florida ang couple to be.

Si Ana ay kaisa-isang anak na babae sa tatlong magkakapatid nina G. Rene at Gng. Carmen Adad. Nang huminto si Ana sa kanyang showbiz career, nagtungo ito ng London kung saan siya nag-aral ng hotel and restaurant management sa Isle of Man International School. Si Ana rin ang nagmamay-ari ng isang Italian restaurant, ang La Tavola sa may Remedios St. in Malate, Manila. Samantala, si Greg naman ay anak nina G. German at Charito Montenegro at nakakatandang kapatid ni Angela, ang kasintahan ni Mikey Arroyo.
*****
Patuloy pa rin ang long-distance love affair ni LJ Moreno sa kanyang black American boyfriend na si Shawn Jones na taga-Springfield, Massachusetts.

Ayon kay LJ, willing umano siyang i-give up ang kanyang career sa ngalan ng pag-ibig kung kinakailangan, pero hindi pa ngayon dahil maganda ang takbo ng kanyang career.

Bukod sa pelikulang Di Kita Ma-Reach si LJ ay palagiang napapanood sa Beh Bote Nga, Bubble Gang at sa Teleseryeng Ikaw Lang Ang Mamahalin where she plays contravida to Angelika dela Cruz. Mag-isa na ring namumuhay si LJ in the company of a maid.

"Natututo akong mag-budget at ako lahat ang nagwo-worry ngayon sa pang-araw-araw kong gastos sa bahay," patuloy niya.

Since twenty-one pa lamang si LJ, gusto niyang magpakasawa sa kanyang pagiging dalaga bago siya lumagay sa tahimik.
*****
Sa bagong bahay nila sa Village East Executive Homes sa Cainta, Rizal magi-spend ng New Year ang pamilya Pratts kahit hindi pa kumpleto ang mga kagamitan nito.

Three-storey house ang ipinatayong bahay ng mag-asawang Dondie at Alma Pratts, mga magulang nina John at Camille Pratts. Multi-million ang halaga nito. Meron itong limang kuwarto at walong toilet and bath, may maliit na swimming pool at jacuzzi.

One time, nadaanan namin ang mag-anak sa bago nilang bahay kaya bumaba kami ng sasakyan. Buong giliw naman kaming inilibot ni Dondie (dad of John and Camille) sa buong kabahayan.

Since araw-araw namin itong nadadaanan, nakita naming ang progress ng paggawa ng bahay hanggang sa ito’y matapos.

Bukod sa magkapatid na John at Camille, napakasipag din ng kanilang mga magulang sa paghahanap-buhay. They are into construction business at event management kaya hindi sila puwedeng mabansagan na ang mga anak nila ang kanilang pinaghahanap-buhay.

Bukod kina John (17) at Camille (13), ang mag-asawa ay may tatlo pang bunsong anak-sina Carlo (12), Naomi (4) at Rafael (3).

Ayon sa mag-asawa, hindi umano nila igi-give-up ang kanilang nabiling townhouse sa may LVN in Cubao dahil mas malapit umano ito sa trabaho at school ng mga bata. Tuwing weekends na lamang umano sila uuwi ng Cainta.
*****
Mahirap ang sitwasyon ni Robin Padilla na malayo sa kanyang sariling pamilya ang kanyang asawang si Liezel at ang kanilang apat na anak sina Queenie, Kylie, Chen-Chen at bunsong si Ali na pare-parehong nakabase sa Australia samantalang narito naman sa Pilipinas si Robin.

Kapag may chance, nagtutungo si Robin ng Australia o kung hindi man ay umuuwi rito ang kanyang mag-iina para dalawin siya.

Gusto man mabuo ni Robin ang kanyang pamilya dito, hindi niya maitatatwa na iba ang kapaligiran sa Australia. Napi-feel lamang daw niya ang kanyang pagiging asawa at ama kapag magkakasama sila ng kanyang pamilya.

(aster_amoyo@dolphincall.co.jp)

Show comments