Ang konswelo na lang ni Mikey

Paskong-Pasko, masaya kaming nakikipagkuwentuhan sa aming mga pinsan nang halos sabay-sabay na nagpasukan ang text messages ng mga kaibigan-kasamahan naming manunulat.

Nasa G-4 (Glorietta) sila, nanonood ng mga kalahok sa taunang Metro Manila Film Festival, at heto ang sampol ng mga text messages na natanggap namin nu’ng Pasko nang makapananghali.

"Super blockbuster ang Bagong Buwan dito sa G-4! Sold out ang tickets at ang haba ng pila!

"Sold out din ang Yamashita at Bahay Ni Lola! Walang nanonood ng Di Kita Ma-Reach!"

Ang nag-text sa amin ng mensaheng ‘yun ay isang reporter-columnist na mahilig talagang manood ng mga pelikula, lokal man o banyaga.

Mahaba ang kanyang buhok, matangkad siya at aktibong miyembro ng PMPC.

Ang sumunod namang mensaheng natanggap namin ay mula sa isang kolumnistang nagrerebyu talaga ng mga pelikula, nasa bandang Sta. Mesa naman siya sa SM.

Ganito naman ang nilalaman ng kanyang mensahe, "Nandito ako ngayon sa SM Centerpoint, grabe ang pila ng Bagong Buwan at Yamashita!

"Lumalaban din ang Bahay Ni Lola, pero nakakaawa naman ang pelikula ni Mikey Arroyo, masa na ang sinehan, wah pa ring pumapasok!

"True, no doubt about it, kulelat nga ang pelikulang ito!"

May sumingit namang isa pa na mula naman sa isang kaibigang reporter na hindi mo rin mauunahan pagdating sa panonood ng sine.

"Nakakaantok ang Tatarin, walang katapusang ritwal at parada! Walkout kami, dahil 8 p.m. ang start ng Bagong Buwan!"

At maraming-marami pang mensahe na ang tema ay iisa lang, nakakaawa naman ang entry ng MMG Films na tinatampukan nina Mikey Arroyo at LJ Moreno.
* * *
Kunsabagay ay hindi na naman nakapagtataka ang sinasabi ng mga kasama namin sa panulat, sa simula pa lang naman ay ‘yun na ang inaasahan ng marami, lalangawin sa takilya ang "ipinagpilitang" pelikula nina Mikey at LJ, wala talagang kalaban-laban ‘yun sa iba pang mga entries.

Bokya na sa awards night ay bokya pa sa takilya, ganu’n ang nagkakaisang opinyon ng marami, kaya ang mga mensaheng natanggap namin ay hindi na nakagugulat pa.

Ano nga ba naman kasi ang aasahan mo sa isang pelikulang pinilit lang?

Sa totoo lang, napag-usapan lang naman kasi ang pelikulang ‘yun dahil sa mga luma nang planner na ipinamigay ni Mikey, napakagandang paraan para mapag-usapan ang isang pelikula!

Ang pinakakonsuwelo lang ng binata sa pangyayari ay ang nakasakay siya sa float nu’ng bisperas ng Pasko, isang kaganapang matagal na pala niyang inaasam-asam.

Show comments