Kristine, di magsasalita ng laban sa pamilya

Ibang klase rin itong si Joji Dingcong, ang nag-resign na manager ni Piolo Pascual. Itinatanggi nito na may kinalaman siya sa mga naglalabasang negative publicity ni Piolo. Panay ang tawag nito sa Talent Center para linisin ang kanyang pangalan. Pero marami nang nakakarating kay Johnny Manahan na mga kuwento na may kinalaman nga si Joji sa negative publicity ni Piolo.

Hindi naman papayagan ng ABS-CBN na sirain ng kampo ni Joji ang isang artistang ‘ginawa’ nila. Oo, ang ABS-CBN at Star Cinema ang gumawa kay Piolo. Hindi si Joji. Masyadong unfair ‘yung sinusulat ng mga kaalyado ni Joji na wala na raw mangyayari sa career ni Piolo ngayong nag-resign na nga si Joji bilang manager nito. Hindi naman papayagan ng ABS-CBN at Star Cinema na mangyari ’yun.

Hindi rin inisip ni Joji at ng mga kaalyado niya na marami pa ring nagmamahal kay Piolo sa industriya. Mayroon pa ring press people na magtatanggol dito. Lalo na ’yung pinakitaan nito ng magandang pakikisama. At higit sa lahat, ang mga tagahanga ni Piolo na humanga sa kanyang pagkatao at sa kaniyang talino.

Kung anuman ang agenda ni Joji, magkakabukingan din sa huli. Ang alam namin ngayon, buung-buo ang suporta ng ABS-CBN Talent Center, ABS-CBN at Star Cinema kay Piolo. At siyempre ng kanyang mga tagahanga.
* * *
Sa kabila ng kaliwa’t kanang tira kay Kristine Hermosa, pinatunayan niya na isa pa rin siyang mabuting anak. Nakatakda sanang magsalita ang teen actress sa The Buzz noong Linggo pero nag-beg off siya. Ayaw daw niyang magsalita kung ang pamilya din lang naman daw niya ang pag-uusapan at masasaktan.

Tatanggapin na lang daw niya ang mga inaakusa sa kanya kahit masakit. Lulunukin niya ang maanghang na salitang ibinabato sa kanya ng ilang kasamahan sa panulat.

"Alam ng family ko how much I love them. Alam nila how much I value them. Mahal na mahal ko sila at walang puwedeng magbago no’n," sabi nito nang makausap namin sa taping ng Christmas Special ng ABS-CBN na incidentally ay ipalalabas sa Biyernes, December 21.

Ina-assure ni Kristine ang kanyang mga tagahanga na she is still the same Kristine na nakilala nila. Trabaho nang husto ang inaasikaso ngayon ng dalaga. She is hoping na makasama niya ang kanyang buong pamilya ngayong Pasko.

Tunay na kahanga-hanga ang pagmamahal ni Kristine sa kanyang pamilya.
* * *
Muling namayani ang ABS-CBN sa nakaraang KBP Golden Dove Award kamakailan. Nakakuha ang combined forces of ABS-CBN, DZMM at Regional Network Group ng 25 awards including the highly-covered Best TV Station. Si Luchi Cruz-Valdez ang tinanghal na "Broadcaster of the Year".

Narito ang talaan ng ilan lang sa awards na nakuha ng ABS-CBN:

Best AM Station – DZMM; Best TV Station (Provincial – ABS-CBN; Best TV Special – A Christmas Prayer; Best Magazine Show – Pipol; Best TV Newscaster – Aljo Bendijo; Best Talk Show Host – Sharon Cuneta; Best Talk Show – Off-the-Record; Best Musical Variety Program – ASAP; Best Drama Program – Maalaala Mo Kaya.

Ang aming mainit na pagbati sa ABS-CBN at sa iba pang nanalo at sa mga bumubuo ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP!
* * *
For your comments and feedback, you can e-mail me at eric_john_salut@ hotmail.com

Show comments