Una, ang pagkakapasa ng kasong plunder laban sa kanyang ama, ang pagkatalo sa MBA ng kanyang team, ang San Juan Knights na talagang umalis na sa torneo at ang hindi pagpasok sa MMFF ng kanilang pelikula ni Judy Ann Santos.
Kung ikaw ay nasa isang lugar na araw-gabi mong nakikita ang iisang lugar lang na kinaroroonan mo ay natural lang na napakalaki ng posibilidad ng depresyon.
Kung ikaw ay isang taong miyembro ng pamilyang ginagawang dart board ngayon ng mga kalaban sa pulitika, totoo man o imbento lang ang mga akusasyon ay madali kang madadala ng kalungkutan.
Ang mga bagay na yun ang dahilan kung bakit kamakailan ay nakaramdam ng pananakit ng dibdib si Jinggoy.
Pero hindi pa man sigurado sa kanilang mga detalye ang ilang media men ay bumanat na agad ng pagbabalita sa radyo at telebisyon na inatake raw sa puso ang panganay nina Pangulong Erap at Senadora Loi Ejercito Estrada.
Nung panahong pumutok ang balita ay nasa Senado ang kanyang ina, kasama ito sa mga dumidinig sa Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa anomalya sa komunikasyon na kinasasangkutan ni Pangulong Gloria Arroyo at ng negosyanteng si G. Marcelo.
Kung ikaw ay isang inang araw-gabi nang problemado sa sangkatutak na kasong isinasampa laban sa iyong pamilya, makatwiran man o panggigipit lang ang dahilan non ay natural lang na halos atakihin ka rin sa nerbiyos sa balitang nakarating sa iyo.
Mabuti na lang at nang likhain ng Diyos ang puso ni Senadora Loi ay sinemento yun sa paligid kaya matibay ang kanyang dibdib at hindi siya agad-agad nadadala ng mga bali-balita.
Agad na nagpaalam si Senadora Loi sa ginaganap na pagdinig, kaligtasan nga naman ng kanyang panganay na anak ang nakataya, kaya kailangang sumugod siya sa Veterans Memorial Hospital.
"Sobra naman kasi ang lumabas na report, inatake raw ako eh bakit bumaba pa ako sa ambulansiya at lumipat ako sa wheelchair?
"Nagulat na lang ako, ang dami-dami nang kamerang nakatutok sa mukha ko, kaya nagtakip na lang ako ng jacket sa mukha," napapailing pang sabi sa amin ni Jinggoy.
Kinomedya na lang namin ang pangyayari para medyo bumabaw ang saloobin ng aktor-pulitiko tungkol sa mga taong nakakita lang ng bulate ay ahas na kung magkuwento.
Sinabi na lang namin sa kanya na mabuti na lang at hanggang ngayoy ganyan pa rin ang karisma niya sa press, ang dami-daming pulitiko diyan na halos maglupasay na sa kalye para lang masulat, pero ni hindi pinapansin.
Napangiti na lang si Jinggoy, ang aktor-pulitiko na parang isda ngayon sa akwaryum na bahagyang galaw lang ang gawin ay naka-headline na agad.