Paborito kasing tilad-tilarin nang pinong-pino ngayon si Cogie Domingo para gawing bopis at menudo, binabato siya ng mga intrigang karamihay kathang-isip lang naman at iilan lang ang totoo.
Yung isyu tungkol sa pagiging late niya palagi sa taping at shooting, kahit kailan naman ay hindi naghugas ng kamay sa sabong mabango ang binata para itanggi yun, kusa na ngang nagpapako sa krus si Cogie, dahil siya naman talaga ang mali.
Pero sana nga, habang inaamin niya ang kanyang pagkakamali ay may progreso na sa kanyang disiplina ang batang aktor, dahil wala rin namang mangyayari kung puro pag-amin lang ang kanyang gagawin.
Yung isyu naman tungkol sa paggamit ng ipinagbabawal at pesteng ecstacy ay matagal nang nilinaw ng binata, inupuan na nga siya noon ng kanyang mga magulang nang dahil dun, at talagang sumusumpa si Cogs na malayo sa kanyang isip ang magpakaloko sa droga.
At kung totoo nga ang sinasabi ng mga gumagamit ng ecstacy na gumagaspang daw ang kutis ng tumitira nun ay labas na sa bintang ang guwapong aktor, dahil maraming babaeng artista ang pakakainin ng alikabok ang kutis ni Cogs pagdating sa pakinisan ng balat.
Nasisira raw ang mga ngipin ng nagdodroga, at sa aspetong yun ay kabog na naman ang mga nagbibintang, dahil ang pares ng ngipin ni Cogie ay buong-buo na para bang hindi siya pinakain man lang ng tsokolate o kendi ng kanyang Mommy nung siyay bata pa.
Umiikot lang naman sa mga intrigang yun ang pagbira kay Cogie, walang kahit sinong pumuna sa kanyang pagganap, dahil sa unang pagsubok pa lang sa pag-arte ng batang aktor ay angat na agad ang kanyang kapasidad.
Nung huli naming makita ang batang aktor sa last shooting day nila ni Judy Ann Santos para sa pelikulang Sanay Bigyan Mo Ng Pansin ng Regal Films ay nakasuot siya nang maigsing shorts at sandong dilaw na mas nagpatingkad sa kanyang kaguwapuhan.
Bagay na bagay pa naman kay Cogs ang mga tumitiling kulay, dahil mestiso siya at kayang-kaya niyang dalhin ang ganung porma.
Nangingibabaw ang kakisigan ni Cogie sa rami ng lalaking nandun, malayo ka palang ay alam mo nang siya ang nakatayo, dahil kakaiba ang itsura niya sa kalahatan.
Si Direk Boots Plata na mismo ang may sabi, magaling na aktor si Cogie, may lalim daw kung umarte ang binata at hindi ito hirap sa pagbibigay ng paliwanag bago ganapin ang take.
Sana ngay huwag magkaroon ng patlang ang proyekto ng binata, tuloy-tuloy sana niyang maipakita ang kanyang kapasidad sa pagganap, para mapuntirya na ni Cogs ang kanyang mga pangarap.
May mukha siya, angat ang kanyang galing sa pagganap, kaya pagmamahal na lang sa kanyang trabaho at disiplina ang kailangan pang dagdagan ni Cogie Domingo.