Jericho, masamang impluwensiya!

Kung totoong lahat ang mga impormasyong nakararating sa amin tungkol sa negatibong impluwensiya ni Jericho Rosales sa buhay ng kanyang girlfriend na si Kristine Hermosa ay unti-unti nang lumilinaw ngayon sa amin ang retratong dati’y malabo.

Nu’ng sina Jericho at Angelika dela Cruz pa kasi ang magkarelasyon ay nahigingan na namin ang kaparehong senaryo na ang nagrereklamo naman ay ang ama ni Angelika na si Daddy Ernie.

Medyo tinubuan din ng sungay noon ang dalaga, mabuti na lang at naputol agad ng kanyang ama, at ang sinasabing bumubulong-umiimpluwensiya kay Angelika para lumaban sa kanyang ama ay si Jericho.

Parang magkapareho ang tema ng naturang pangyayari sa mga nagaganap ngayon kay Tintin, ang kasalukuyang girlfriend ng magaling na aktor, dahil si Echo rin ang sinasabing bad influence sa buhay ngayon ng dalaga.

Magmula raw nang magkalapit na ang kalooban ng dalawa ay nagbago na ang ugali ni Kristine, nagiging suwail na rin siyang anak, at kamakailan nga lang ay nagdesisyon nang lumayas sa poder ng kanyang mga magulang.

Kailangang patunayan ngayon ni Jericho na walang katotohanan ang mga akusasyong ito, malaki ang magiging epekto sa career ng paborito pa naman naming aktor ng mga ganitong uri ng negatibong komento.

Dalawang magkasunod niyang relasyon ang iisa ang kinauwian, ang dating magandang ugali ng mga dalaga na biglang nagbago, nang makarelasyon na ang batang aktor.
*****
Sa pagitan nina Angelika at Tintin ay may sumingit na isa, si Kai Palomares kung saan nagkaanak si Jing, pero balitang itinatanggi ngayon ng young actor, pero iba naman ang sitwasyon dahil hanggang ngayon ay nakapisan pa rin sa mga magulang nito si Kai.

Walang lumutang na masamang impluwensiya ni Jericho kay Kai Palomares, hindi humiwalay kundi kumapit pa nga sa kanyang mga magulang ang dalagang-ina, dahil hindi sinusustentuhan ng young actor ang kanyang anak na si Santino.

Ang relasyong nagkaroon ng bunga, balita namin, ay ipinagkakaila rin ni Jericho kay Kristine.

Itinatangging anak ni Jing si Santino, pero ayaw niya namang kagatin ang hamong paternity test ni Kai, kaya ang tantiya ng marami ay pag-iwas lang sa responsibilidad ang dahilan kung bakit ayaw angkining anak ni Jericho ang bata.

Bilang aktor ay nakikipagpatayan kami para kay Jericho, pero pagdating sa mga ganitong usapin ay hindi kami pinahahanga ng binatang-ama.

Nakapanlulumong malaman na ang isang dalagang tulad ni Kristine na parang ni hindi makapapatay ng lamok ay biglang tatalikod sa kanyang mga magulang nang dahil lang sa hindi magandang impluwensya ni Jericho.

Ang ganda-ganda pa naman ng imahe ni Tintin, nakilala ang dalaga bilang masunuring anak at disiplinadong babae, pero ngayon ay matutuklasan mo na lang na naglayas ng bahay at naging suwail na anak nang dahil sa mga bulong at sulsol ni Jericho?

Kung kayang sulsulan ni Jericho ang mga nagiging girlfriend niya ay nangangahulugan din kayang isang suwail na anak si Jericho Rosales sa sarili niyang mga magulang?

Show comments