Direk Joel, impressed kay Wendell

Hindi lamang naman ang magkapatid na Assunta at Alessandra de Rossi ang naging revelation para kay Director Joel Lamangan sa pelikulang Hubog. Nasorpresa rin siyang makita ang kagalingan ni Wendell Ramos, isang kabataang aktor na matagal na ring naghihintay na mabigyan ng malaking break. Ngayon pa lamang ito magkakaroon ng kaganapan.

"He was a shot in the dark. Hindi naman ako na-disappoint. I think I have found a new leading actor. Pagkatapos ng Hubog, mapapansin na siya," ani Joel.

Sa pelikula, ginagampanan ni Wendell ang role ng isang taxi driver, lover ni Assunta. Wala siyang hindi gagawin para kumita lamang ng maipangtutustos kay Assunta.

Marami silang mga bold scenes na dalawa na ani Assunta ay naalangan siyang gawin nung una sapagkat matagal na silang magkasama sa Bubble Gang. "Ang tingin ko sa kanya ay parang kapatid ko na. Paano ako makikipag-love scene sa isang kapatid? It took quite a time bago ko nailagay ang aking sarili sa tamang lugar at pag-iisip," ani Assunta.
*****
Si Nora Aunor ang pormal na magbubukas ng December issue ng S Entertainment Magazine ngayong hapon sa Virgin Cafe. Pamumunuan din niya ang mabituin at maningning na pagdiriwang na magaganap ngayong hapon na pinamagatang S Entertainment Magazine’s Celebrity Night at Virgin Cafe.

Ang S Magazine ay isang 60-page full color glossy mag na inilalathala ng Global Pub. & Entertainment Corp sa pamamahala ng kasamang Aster Amoyo bilang managing director and publisher. Lumalabas ito sa Pilipinas, gayundin sa mga bansang Japan, Hongkong, US at Germany.

Si Nora Aunor ang nasa cover ng magazine kasama ang anak na si Ian de Leon.
*****
Sa kabila ng kahirapan ng local movie industry na dulot ng napakasamang ekonomiya ng bansa, ang pagkakawatak-watak ng mga artista at ang kawalan ng creativeness ng mga gumagawa dito gaya ng manunulat, director, movie producer at marami pa, napakarami pa ring mga maliliit na producer ang gustong isugal ang kanilang pera sa pamamagitan ng paggawa ng pelikula.

Isa sa bagong tatag na movie outfits ang naglalayong makipagsabayan sa mga kasalukuyang movie productions na namamayani sa industriya ay ang Tri-Vision Films na pinamumunuan nina Atty. Manalo, Yolly Mia Leano at ang aktres na si Lyn Madrigal.

First movie ng bagong outfit ang Kaulayaw sa pangunguna ni Barbara Milano. Direktor si Jun Posadas at katulong niya ang kanyang anak na si Kelly Posadas, nakapag-tapos ng Masscom at ngayon ay sumusunod na sa yapak ng kanyang ama. Kabituin din sina Julio Diaz, Allan Paule, Allen Dizon, Roy Alvarez, Alberto de Esteban at Aimee Torres. Balik-pelikula sina Lyn Madrigal at Jessica Pica.

Ayon sa publicist ng produksyon na si Vir Gonzales, marami silang gagawing pelikula sa susunod na taon. Maraming taga-showbiz ang nangangailangan ng trabaho. Sana raw ay mahalin ng mga manggagawa ang kanilang kumpanya para tumagal sila at makatulong pa sa mas maraming taga-pelikula.

Show comments