Dahil sa matinding pagsalpok ng minamanehong F-150 ng batang aktor sa kasalubong na Isuzu Elf ay malaki ang naging epekto ng aksidente sa utak ng dalaga.
Pareho silang nag-50-50 ng batang aktor, pero naiwanan sa progreso si Ishi na mula nang ilipad nina Mayor Joey Marquez at Zsazsa Padilla sa Maynila mula sa Urdaneta, Pangasinan ay idineklara nang brain dead ng mga doktor.
Noon pa man ay tanggap na ng pamilya ng dalaga ang maaaring hantungan ng buhay ng kanilang anak, pero patuloy pa rin ang kanilang panalangin na sanay maganap ang milagro sa buhay ng dalaga.
Eksaktong labing-anim na araw nang nasa ICU nang mamatay si Desiree, kung kailan kinakikitaan na ng progreso si Vandolph na nagdilat na ng mga mata kamakailan sa loob ng tatlong minuto, pero nakatitig lang sa kisame at walang nakikilala.
Naigagalaw na rin ng batang aktor ang magkabila niyang braso at hita, naghihikab na at nagkukunot-noo, samantalang si Desiree ay gulay na gulay pa rin.
May matinding problemang dinadala ngayon sa dibdib sina Tito Dolphy, Alma Moreno, Zsazsa at Mayor Joey paano nila sasabihin kay Vandolph ang pagkawala ni Desiree kapag nagkamalay na ang binata ?
Madali kayang matatanggap ng batang aktor ang pagkamatay ng pinakamamahal niyang girlfriend?
Alam niya kung gaano kamahal ni Vandolph ang dalaga si Alma na mismo ang nagsabi na si Desiree lang ang kaisa-isang nakarelasyon ng batang aktor na ipinakilala nang pormal sa kanila.
Nakasentro ang puso at atensyon ni Vandolph kay Desiree, araw-araw silang magkasama noon, walang araw na hindi nagkikita ang dalawa.
Magiging masakit na kay Vandolph ang pangyayari ay inaalala pa nila ang maaaring maging epekto nito sa kalagayan ng batang aktor, baka mas tumagal pa ang kanyang pagpapagaling, dahil sa pagkamatay ng kanyang karelasyon.
Hindi pinabayaan ng pamilya ng Hari ng Komedya ang dalaga mula sa unang araw ng trahedya, umupa sila ng chopper na kukuha sa dalaga sa Urdaneta, para malapatan ng lunas dito sa Maynila.
Si Tito Dolphy rin ang nagbabayad sa lahat ng gastusin ng dalaga sa ospital, tulong sila nina Mayor Joey at Alma, kaya ganun na lang ang pasasalamat ng pamilya ng dalaga sa kanila.
Sinubukan pang isalba ng mga doktor ang buhay ni Desiree, pero hanggang dun na lang talaga ang kanyang itatagal, nung Martes nang gabi ay hinugot na ng dalaga ang kanyang huling hininga.
Ang amin pong pakikiramay sa lahat ng naulila ni Desiree Raquiza.