Janice sa TV; Nakataas na ang paa, kita pa ang bra!

Nasa pali-paligid lang kami ng Greenhills nang magpatiwakal ang dating aktres na si Maria Teresa Carlson sa pamamagitan ng parang ibong pagtalon sa ikadalawampu’t tatlong palapag ng Platinum 2000.

Agad naming tinawagan si Major Jude Estrada na nakatira lang sa kabilang kalye, sa Polk St., para tiyakin kung totoo nga bang si Maria Teresa ang babaeng tumalon sa naturang gusali.

Nagulat ang binatang militar sa aming ibinalita, pero pagtanggi ang kanyang naging tugon, "Ayoko nga! Baka mamaya, ang lumabas na naman sa imbestigasyon, eh, ako pa ang nagtulak sa kanya!"

Dahil sa kung anu-anong kasong ipinalulunok sa kanya ay inaapuntahan na tuloy ng takot si Jude.

Sunud-sunod na nga naman kasi ang pagkaladkad sa kanyang pangalan sa mga pangyayaring sa panaginip ay hindi niya alam.

Pagkatapos ng pagsasangkot ng nasaan na nga ba ngayong si Mawanay sa pangalan ni Jude ay heto na naman ang deklarasyon ng umakong pumatay kay Ms. Nida Blanca na hindi naman pala, si Philip Medel, na nagpakilalang dating security consultant ng bunsong anak ni Pangulong Joseph Estrada.

Kinaladkad nang pinung-pino ang pangalan ng binatang militar nang sumuko si Medel, ang pekeng mandirigma na ilang araw lang pagkatapos ay akala mo lider ng kultong padipa-dipa at pasigaw-sigaw pa nang nakapikit, pero ang mga pangalang idinawit nito sa isyu ay hinusgahan na agad.

Gaano ka man katapang ay matatakot na nga rin naman kapag ganyang kulang na lang na pati ang pagpatay kay Magellan at kay Lapu-Lapu ay ibintang na rin sa iyo.

Gaano mo man kagustong tumulong ay magdadalawang-isip ka na rin at uurong nang patalikod, dahil baka sa iyo pa nga naman ibintang ang krimeng naganap.

Maraming matatapang na tao ang tinuturuang maging duwag ng mga iniimbentong kasong ganito, sa kagustuhan lang na makapanakit ng mga pulitikong kalaban nila, pati halusinasyon ay ginagawa nilang totoo.
* * *
Nakatanggap kami ng komento mula sa ilang masugid na tagapanood ng S-Files nina Paolo Bediones at Janice de Belen.

Patanong naman ang kanilang pag-atake kay Janice, "Tama bang mag-interbyu siya nang nakataas ang paa sa sofa? Nirerespeto ba niya ang kanyang guest at pati na ang manonood sa ginagawa niyang pagtataas ng paa habang nag-iinterbyu?"

At mababaw na kung sa mababaw, pero kailangan na rin nating respetuhin ang pagpunang ito ng ating mga kababayan.

"Sadya bang ipinakikita ni Janice ang kanyang bra kapag nakasalang na siya sa mga kamera?

"Wala ba siyang pambili ng perdible o ng kung anumang pin, para hindi bumubuka-buka ang kanyang blouse na nakaiiritang tingnan?

"May mga times kasing kita na namin ang bra niya, eh, hindi naman siya bold star para magbuyangyang ng kanyang boobs," komento pa ng aming kausap.

Sa lahat ng mga pagpunang natatanggap namin tungkol kay Janice ay isa lang ang masasabi namin– Ha! Ha! Ha! Ha!

Show comments