May iba't ibang ina pero nagkakaisa

Walang anumang gamit nina Vandolph Quizon at Desiree Raquiza na nawala nang maaksidente sila sa pagitan ng Pozzorubio at Rosario, Pangasinan nu’ng nakaraang Lunes, Nobyembre 19.

Iniligtas na ng mga tagaroon ang magkarelasyon ay hindi pa nila sinamantala ang pagkakataong limasin ang mga personal na gamit ng dalawa.

"Intact ang lahat, mula sa wallet ni Vandolph, sa bag ni Desiree, napakababait ng mga tagaroon na tumulong at sumaklolo sa kanila," papuri ni Mayor Joey Marquez.

Binuksan ni Alma Moreno ang Gucci wallet ni Vandolph, nakita namin na puro retrato nilang dalawa ni Desiree ang nandu’n, walang retrato ng kahit sino, puro retrato lang nina Vandolph at Ishi ang laman ng wallet.

"Saka mayroon kaming nababalitaan noon na nali-link sa kanya, pero hindi niya ipinakikilala sa amin," kuwento pa ng numumugto ang mga matang si Alma.

Parang batang maliit si Desiree na kaklase ni Vandolph sa Colegio San Agustin, taga-Merville ang dalaga at gustung-gusto rin si Vandolph ng pamilya nito dahil magalang daw at punumpuno ng buhay.

Nu’ng gabing naroon kami ay nag-aagaw-buhay pa rin si Desiree, pero si Vandolph ay ligtas na sa kamatayan, naging matagumpay ang apat na operasyon na ginawa ni Dr. Antonio Rivera sa batang aktor na umabot nang sampu at kalahating oras.

Pero dalangin ng pamilya ng batang aktor na sana’y malampasan din ni Ishi ang pagsubok na ito, dahil kapag nawala ang dalaga ay hindi rin nila alam kung paano tatanggapin ni Vandolph ang sitwasyon.
* * *
Kumbaga sa ahas ay kuyog ang magkakapatid na Quizon, matindi silang magdamayan sa lahat ng bagay, kaya habang nasa ICU si Vandolph ay nandu’n ang mga anak ni Tito Dolphy sa iba-iba niyang pamilya.

Si Boy 2 Quizon, pamangkin ni Vandolph na kasabayan niyang lumaki, ay ilang araw nang iyak nang iyak.

Nang makarating kay Boy 2 ang balitang naaksidente si Vandolph at putol daw ang mga paa at kamay ay parang batang nagpapalahaw sa pag-iyak ang batang aktor.

Palagi siyang nasa Makati Med, umuuwi lang siya para maligo at magbihis, pagkatapos ay balik na naman siya sa ospital.

Siya ang tanong nang tanong sa lahat ng lumalabas sa ICU kung gaano na ka-okey si Vandolph, kung nakakarinig na ba, at kapag hindi siya nagkasya sa sagot ng mga ito ay pumapasok na talaga siya.

Si Eric Quizon ay ganu’n din katindi ang malasakit kay Vandolph, halos wala na ring ibang ginagawa kundi ang bantayan ang kanyang nakababatang kapatid.

Nu’ng dalawin namin sa ICU si Vandolph kasama si Eric ay nakapaninikip ng dibdib ang ginagawang paghimas-himas ni Eric sa noo at braso ni Vandolph, sabay sabi ng "Just hang in there, bro! Laban ka lang!"

Iba-iba ang ina ng magkakapatid na Quizon na nandu’n, pero sasaluduhan mo ang disiplina at pagmamahal na itinanim ni Tito Dolphy sa kanilang puso at isip, dahil kumikilos sila nang iisa at talagang hindi sila nagdadamot ng pagsuporta sa naaksidente nilang kapatid.

Halos hindi makausap si Tito Dolphy sa sobrang pag-aalala kay Vandolph, dasal lang nang dasal ang Hari ng Komedya, masyado nga namang sinusubok ng panahon ang kanyang katatagan.

Show comments